PATAY SA NAVOTAS AMMONIA LEAK, 2 NA

KINUMPIRMA ni Mayor Toby Tiangco na dalawa na ang namatay sa ammonia leak sa planta ng yelo na pag-aari ng kanilang pamilya sa Navotas City.

“Ngayong umaga, nakumpirma po nating may isa pang namatay sa ammonia leak sa TP Marcelo Ice Plant and Cold Storage. Siya po ay si Joselito Jazareno, 54, residente ng Malabon at electrician ng kompanya. Sa inisyal na imbestigasyon, nakita po siya malapit sa lugar ng sumabog na surge tank,” pahayag ni Tiangco.

Ayon pa sa alkalde, hanggang 5am Pebrero 4, umabot sa 96 ang dinala sa mga ospital, kabilang na si Gilbert Tiangco, ang unang kumpirmadong namatay dahil sa insidente.

“Lahat po ng medical expenses ng mga pamilyang apektado ay babalikatin ng kompanya. Kasalukuyan pong nakasara ang ice plant at pabubuksan lamang po natin ito kapag naisagawa na nito ang safety measures alinsunod sa mga rekomendasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP),” anang alkalde.

Binigyang-diin ni Tiangco na magbibigay ang Pamahalaang Lungsod ng counselling para sa mga residenteng na-trauma dahil sa insidente.

“Ipapa-check din po natin sa BFP at Sanitation Officers ang iba pang mga ice plant at cold storage sa lungsod kaugnay ng kanilang Occupational Safety Standards and Environmental Compliances,” ayon pa alkalde. (ALAIN AJERO)

163

Related posts

Leave a Comment