MAHIGIT 400 na mga dayuhan ang nakatakdang isama sa mga blacklisted makaraang madiskubreng ipinitisyon ng mga pekeng kumpanya.
Sinabi ni BI Commissioner Norman Tansingco, ang nasabing hakbang ay kabilang sa kampanya ng ahensya na mapuksa ang mga illegal na dayuhan sa bansa lalong-lalo na ang mga gumagamit ng pekeng dokumento upang makakuha ng visa.
Sinabi ni Tansingco, sa tatlong sunod-sunod na audit mula sa ulat ng Verification and Compliance Division (VCD), lumalabas na may kabuuang 459 na dayuhan ang gumagamit na mga pekeng kumpanya sa kanilang mga aplikasyon.
“These foreign nationals’ applications were processed using the services of accredited entities, authorized to apply on behalf of the foreign nationals,” ayon kay Tansingco. “However, through our audits, we discovered that the companies that petitioned them are spurious,” dagdag nito.
Ibinunyag din ng BI chief na halos 79 accredited liaison officers ang nahaharap sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) hinggil sa nasabing raket.
Sinabi pa ng BI chief, apat na mga abogado ang iniimbestigahan dahil sa nasabing modus.
Ayon pa kay Tansingco, ang visa ng nabanggit na mga dayuhan ay ikakansela at ang mga nasa bansa ay inutusan na umalis na at isasama sa mga blacklisted.
“We are after aliens who falsify or misuse documents,” ani Tansingco. “Our drive against illegal aliens remains relentless, and we will continue to run after those who coddle such violators,” dagdag pa niya.
(JOCELYN DOMENDEN)
370