SMARTMATIC DISQUALIFICATION PINANINDIGAN NG COMELEC

PINANINDIGAN ng Commission on Elections ang disqualification sa Smartmatic mula sa procurement biddings at ipinunto na isinagawa ang desisyon ‘administratively’.

Ito ay matapos sabihin ng Smartmatic, sa isang pahayag nitong Huwebes, na ang batayan ng Comelec para sa diskwalipikasyon nito ay “false and non-existent”.

Iginiit ng Smartmatic na ang disqualification ay “legally wrong” at “unfair”, at idiniin na hindi pa ito pinaratangan sa US para sa mga kaso ng panunuhol laban kay dating Comelec chief Andres Bautista

Sinabi rin ng Smartmatic na hindi rin sila nabigyan ng pagkakataon na tumugon sa mga batayan na ginamit ng Comelec bilang tiyak na basehan para ma-disqualify ito.

Ngunit sinabi ni Comelec Chairman George Garcia, sa isang press conference, ang election body ay naninindigan sa kanilang desisyon na idiskwalipika ang Smartmatic.

“It was a very difficult decision, but nonetheless, it was the right decision, and we will stand firm on what the Comelec en banc has decided,” sabi ni Garcia.

Ayon kay Gracia, isinagawa ng Comelec ang desisyon sa pamamagitan ng quasi-judicial at administrative function nito.

“Ang ibig sabihin ‘pag administrative function, we can act based on something we are fully aware of, not necessarily because it is contained in any petition or whatever,” saad ni Garcia.

Idinagdag ni Garcia, ang batayan nito para sa diskwalipikasyon — ang umano’y scheme ng panunuhol sa pagitan ng Smartmatic at ni Bautista — ay talagang nakapaloob sa supplementing documents sa petisyon na tinugunan ng Comelec.

Binanggit pa ni Garcia, sa administratibong kapangyarihan ng Comelec, maaari sana itong magpasya na i-disqualify ang Smartmatic nang walang kaso, ngunit sa halip, hinayaan nilang dumaan ang petisyon sa “malawak na talakayan at pagdinig”.

“Kayo na lang ang mag-conclude kung nagkaroon ng violation of equal protection laws or selective justice so to speak,”pahayag ni Garcia sa mga mamamahayag.

Sinagot din ni Garcia ang pahayag ng Smartmatic na hindi sila binigyan ng pagkakataon na idepensa ang kanilang sarili.

Iginiit ng poll chief na binigyan nila ng pagkakataon ang Smartmatic na tugunan ang nasabing mga alegasyon.

“The Rio (Eliseo Rio Jr.) petition and et. al. is not a single petition there are other documents doon so ibig sabihin kung pinasagot ka rito malamang lamang pinasagot ka rin doon, kung hindi ka sumagot doon ay it’s your call bakit hindi ka sumagot doon. Ang importante you were notified,” sabi ni Garcia.

Aniya, lahat ng petisyoner at respondent ay binigyang pagkakataon na marinig.

(JOCELYN DOMENDEN)

161

Related posts

Leave a Comment