POLPhil: Malawak na Pagkakaisa ng mga Stakeholder sa Peacebuilding Susi sa Pangmatagalang Kapayapaan

HINIMOK ng grupong Political Officers League of the Philippines (POLPhil) ang mga progresibong organisasyong masa na magsama-sama at lumikha ng adyenda ng bayan para sa ganap at tunay na kapayapaan na mapapakinabangan ng bawat tao at ng susunod na henerasyon.

Ayon kay Noel Medina, POLPhil NCR Vice President: hindi namin tinutuligsa ang pagsisikap ng opisyal ng pamahalaan at kinatawan ng National Democratic Front sa hangarin pagbubukas ng usapang pangkayapaan. hangad namin na makalahok ang malawak na mamamayan sa usapang pangkapayapaan na siyang pangunahing apektado ng armadong tunggalian.

Sa armadong tunggalian ng mga sundalo ng gobyerno at mga rebelde, ang mga sibilyan ang pangunahing apektado, na inilalagay ang kanilang buhay sa panganib at naliligalig din ang kanilang mga kabuhayan.

Mababatid sa mga ulat, ang naganap na usapang pangkayapaan ng magkabilang panig GRP at kinatawan ng NDF ay lumawig ang usapin hinggil sa pananagutan at katarungan, kaya’t pareho nilang iginigiit ang kani-kanilang mekanismo upang harapin ang kanilang mga paglabag sa mga batas kaya’t hindi umuunlad ang kasunduan sa kapayapaan. Sa termino ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ay mas inuna niya ang kampanyang War on Drugs na nagdulot ng libo-libong pagkasawi ng mga pinaghinalaang pusher at user ng ilegal na droga.

Iminungkahi ng POLPhil, ang prosesong pangkapayapaan ay dapat na may Malawak na Pagkakaisa ng lahat ng Peace Stakeholder, na umaakit sa pinakamalawak na abot ng mga pwersang pampulitika, tagapagtaguyod at organisasyon. Ang pagsasama ng mga progresibong pwersa na nakikibahagi sa mga dekada ng pakikibaka para sa isang paraan ng pamumuhay na angkop sa ating mga kababayan ay dapat magkusa para itulak ang ideya ng ganap na dignidad ng tao para sa bawat Pilipino.

Anila, ang mga stakeholder na ito ay dapat maging bahagi tungo sa katuparan ng kapayapaang ito na humahantong sa paglukso ng Pilipinas tungo sa isang bagong kinabukasan at isang bagong salaysay ng kapayapaan, at napapabilang na pambansang pag-unlad.

Mababatid na ang POLPhil ay isang asosasyon ng mga dating aktibista, dating opisyal ng militar at mga mandirigma ng kalayaan mula sa pinakamalawak na spectrum, ay patuloy na umuunlad sa bansa at pag-unlad sa iba’t ibang teritoryo, naniniwala na ang kapayapaan ay napakatagal nang hinihintay.

Ayon kay Rudy “Kid” Cañeda, POLPhil acting National President, “nakamit natin ang kapayapaan sa Mindanao sa pamamagitan ng pinakamalawak na partisipasyon ng ating mga kapatid na Muslim, mga katutubo at mga naninirahan sa Timog. Ngayon ang pagkakataong itaguyod ang kapayapaan sa kabuuan ng bansa ay nasa atin muli. Ngunit, anumang pagsisikap na makamit ang kapayapaan na may katarungan ay dapat makipag-ugnayan sa pinakamalawak na stakeholder”.

Kapayapaan para sa Lahat, hindi para sa iilan, ipinunto pa ng grupo. Ang pagpapa-iral ng tamang prosesong pangkapayapaan ay dapat na tinatalakay ang pangunahing agenda ng mamamayan, na tumutugon sa mga ugat ng tunggalian kahirapan, kawalan ng kapangyarihan, hustisya, seguridad sa pagkain, trabaho, mga pagkakataon para sa makabuluhang edukasyon at pakikilahok sa gobyerno, paglalahad pa ni Cañeda.

“Sa pag-usad ng agenda na kapayapaan sa malawak na partisipasyon ng sektor ng lipunan ay masasabing walang puwang na marahil para kutyain at tutulan ang kapasyahan ng mamamayan gayundin ang pagkutya sa desisyon ng administrasyong Ferdinand “Bongbong”Marcos Jr. sa pagbubukas nito ng usapang pangkapayapaan sa mga rebeldeng komunista, na isinalarawan ni Vice President Sara Duterte bilang isang “kasunduan sa diyablo,” anang POLPhil.

Sa susunod na linggo ay nakatakdang ganapin ang isang pulong pambalitaan na inisyatiba ng POLPhil na lalahukan ng iba’t ibang personalidad sa pulitika, dati at kasalukuyang opisyal ng pamahalaan, retirado at aktibong kasundaluhan, mga lider ng ibat’t ibang political blocs na nabibilang sa progresibo, moderato at konserbatibong hanay at mga kilalang peace advocates upang itayo ang Broad Unity of all Peace Stakeholders.

133

Related posts

Leave a Comment