TINALAKAY ng pamunuan ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang mga paraan para matiyak ang kaligtasan laban sa sunog partikular ang pag-iwas na palagiang nakakandado ang mga bakal na window grills na pangunahing sanhi ng pagkamatay ng mga biktima ng sunog, bilang paggunita sa Fire Prevention Month ngayong Marso.
Ayon kay Fire Supt. Gerard Venezuela sa ginanap na media forum sa Balitaan sa Tinapayan sa panulukan ng Dapitan at Don Quijote Streets sa Sampaloc, Manila, kaya marami ang namamatay sa sunog ay dahil hindi makalabas sa bahay ang mga nakatira rito dahil nakakandado o kaya naman ay talagang sarado ang window grills.
Pinayuhan din nito ang publiko na kung may window grill ay dapat may labasan at ang susi ng kandado ay dapat malapit dito para sa oras ng emergency.
Ang mga alituntunin na palaging ipinababatid sa publiko ay ang pagtanggal ng mga naka-plug na appliances sa tuwing aalis ng bahay.
(RENE CRISOSTOMO)
