BUMAHA ang panawagan na palayain si Film Director Jade Castro at tatlo pang kasama nito na inakusahang sumunog sa isang modernized jeep sa Catanauan, Quezon noong nakaraang buwan.
Ito ay dahil sa napipintong pagdedesisyon ng Office of Provincial Prosecutor, kung ano ang susunod na gagawin hinggil sa kasong isinampa sa mga ito.
Nitong Biyernes ay posibleng magdesisyon na ang piskalya kung tuluyang ihahain ang kaso laban sa apat o ibabasura ito.
Kaugnay nito, naging trending sa social media ang hastag #freeDirekJade at #Project:DearJade.
Kasabay ng mga panawagan na palayain ang apat, kumalat sa Facebook pages ang mga larawan ni Direk Jade kasama ang mga sumusuporta sa kanya.
Nitong Biyernes ang ika-16 na araw ng pagkakakulong kay Castro, kasama sina Ernesto Orcine, Noel Mariano, at Dominic Ramos mula nang sila ay arestuhin sa Mi Casa resort sa bayan ng Mulanay dahil sa bintang na pagsunog sa modernized jeeney noong Enero 31.
Samantala, maging ang LGU ng Mulanay ay nagpapatunay na nasa kanilang bayan ang apat noong gabi o noong oras na nasunog ang sasakyan.
Sinasabing pumunta ang apat sa Mulanay para lamang dumalo sa gaganaping kapistahan ng nasabing bayan.
Kinondena rin ng iba’t ibang grupo at iba’t ibang sektor ang umano’y “warrantless arrest” sa apat.
Maging si Sen. Risa Hontiveros ay naghain sa Senado ng resolusyon na naglalayong imbestigahan ang pag-aresto kina Castro.
(NILOU DEL CARMEN)
161