TINIYAK ni Senate Minority Leader Franklin M. Drilon na kanyang haharangin ang panibagong pagtatangkang isulong ang Charter Change (Cha-Cha) sa Kongreso.
Ang hakbang ay itinutulak sa gitna ng pandemya na lubhang nakaapekto sa mahigit 65,000 Filipino, nawalan ng trabaho ang milyong katao at nilumpo ang ekonomiya.
“Ang kailangan natin ngayon ay pagkain hindi sayaw na Cha-cha. Yung walang hanapbuhay ang malaking problema ng bansa ngayon. Kaya dapat i-lockdown na ang Cha-Cha na ito dahil masyadong divisive,” ayon kay Drilon sa interview ng DzBB.
Naniniwala si Drilon na tanging motibo ng bagong pagtatangka sa Cha-Cha ay ipagpaliban ang 2022 national at local elections at alisin ang term limit ng politiko.
“Ako ay may tiwala sa ating kasamahan na makikita nila na hindi para sa kapakanan ng bayan ito.
Haharangin ito sa Senado,” ayon kay Drilon. “The chance of it being passed in the Senate is very small. We in the minority are ready to fight it.”
Nauna nang tiniyak ni Senate President Vicente Sotto III na wala sa prayoridad ng Senado ang Cha-Cha.
Idinagdag pa ni Drilon na hindi dapat mag-alala ang local government units hinggil sa mas mataas na Internal Revenue Allotment dahil hindi ito puwedeng galawin ng Excutive at Kongreso o rebisahin ang kautusan ng Supreme Court hinggil sa Mandanas case noong 2019.
Noong nakaraang linggo, Inihayag ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na nagpasa ng isang resolusyon ang League of Municipalities of the Philippines (LMP) na naglalayong amyendahan ang Saligang Batas upang maitatag ang Mandanas ruling ng Supreme Court at alisin ang restriction sa foreign investment.
TERM LIMITS
Wala namang ibang nakikitang motibo ang mga militanteng mambabatas sa Kamara sa patuloy na pagsusulong sa Charter Change (Cha-Cha) kundi ang pagpapalawig sa termino o term extension ng mga halal na opisyal ng pamahalaan.
Ginawa ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate ang pahayag matapos ianunsyo ng DILG na suportado umano ng 1,488 municipal mayors ang pagbabago sa Saligang Batas.
“Once Cha-cha is ongoing what is to stop them to extend term limits,” ani Zarate dahil kabilang ang mga local official tulad ng mga alkalde sa makikinabang sa term extension.
Base sa isinusulong na panukala sa Kongreso, imbes na 3 taon kada termino, gagawin na itong 5 taon at hindi aalisin ang probisyon na hanggang 3 sunod-sunod na termino lamang uupo ang mga halal na opisyal.
Mismong si Narvacan, Ilocos Sur Mayor Luis “Chavit” Singson, National President ng League of Municipalities of the Philippines (LMP), ang nagsumite umano sa DILG ng kanilang resolusyon na pinagtibay noong Hunyo 19, 2020 para suportahan ang pagbabago sa 1987 Constitution. (ESTONG REYES/BERNARD TAGUINOD)
91