MATAPOS kuwestyunin ni Senator Chiz Escudero ang naging hakbang ng Anti-terrorism Council (ATC) na ideklarang terorista si Negros Oriental 3rd district Congressman Arnolfo “Arnie” Teves Jr. ay muling nakahanap ng kakampi ang kongresista makaraang pumalag sa hindi makatarungang hakbang ng Kongreso si dating House Speaker Pantaleon D. Alvarez.
Ayon kay Alvarez, hindi katanggap-tanggap ang rekomendasyon ng ethics committee na patalsikin ang isang inihalal ng taumbayan bilang kongresista base lamang sa alegasyon at post nito sa social media na nagiging tinik sa lalamunan ng ilang matataas na opisyales ng gobyerno.
Sa ilalim aniya ng Article 6, Section 16 (3) ng 1987 Constitution, ang isang miyembro ng Kamara ay maaaring mapatalsik lamang kung ang ginawa ay malubha na dapat lamang mabigyan ng disciplinary action.
Inihayag pa ni Alvarez na marami pa ang mas mabigat ang naging kasalanan pero hindi naman tinanggal o pinatalsik sa kongreso. Samantalang si Teves ay pilit tinatanggal dahil sa kanyang absence without leave na sumubok kumuha ng political asylum sa Timor- Leste.
Hinihinalang ang kabiguan ng Department of Justice (DOJ) na iugnay si Teves bilang mastermind sa Pamplona massacre na ikinamatay ni Governor Roel Degamo at siyam na iba pa ang tunay na dahilan upang itulak na makauwi ng bansa ang kongresista at magawa ng gobyerno ang kanilang balak laban dito.
Ikinalungkot ni Alvarez ang naging hakbang ng Kongreso na tila sila na ang judge, jury at executioner na pinangunahan ang hukuman na dapat sanang duminig kung talagang mayroong kasalanan si Teves at kung mapapatunayan ay parusahan at patalsikin ito.
Matatandaang pinalagan ni Senator Escudero ang pagtawag sa kongresista bilang lider ng Teves terrorist group base lamang sa mga alegasyon kaya hindi ito maaaring arestuhin at hindi rin katanggap-tanggap ang ginamit na dahilan ng ATC upang iugnay si Teves sa ibang grupo na naghahasik ng lagim at kaguluhan para lamang mabigyan ng maling impormasyon ang publiko.
(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
557