Universal meal program mungkahi ni Gatchalian upang sugpuin ang malnutrisyon

Iminumungkahi ni Senador Win Gatchalian ang pagpapatupad ng isang universal meal program upang sugpuin ang mga suliraning kinakaharap ng mga kabataan pagdating sa nutrisyon, kabilang ang stunting, wasting, at undernutrition.

“Pangarap ko na tulad ng ibang bansa, magkaroon tayo ng isang universal meal program na titiyaking may sapat at masustansyang pagkain ang bawat mag-aaral. Kakailanganin nito ng malaking pondo, ngunit hindi tayo titigil na gumawa ng paraan,” ani Gatchalian, Chairperson ng Senate Committee on Basic Education.

Ayon sa datos ng Department of Science and Technology-Food and Nutrition Research Institute’s (DOST-FNRI) para sa taong 2021, humigit-kumulang 2.7 milyon o 20% ng mga batang 5 hanggang 10 taong gulang ang stunted o kulang ang taas para sa kanilang edad, humigit-kumulang 2.8 milyon o 21% ang underweight, at 1 milyon o 7% naman ang wasted o magaan para sa kanilang timbang.
Sa ilalim ng pondo ng school-based feeding program (SBFP) para sa school year na ito, paaabutin na ng 220 days o buong school year ang pagpapatupad ng programa. Nitong mga nakaraang taon, umaabot lamang sa 120 days ang saklaw ng programang ito. Mula sa P5 bilyong pondo, umakyat sa P11 bilyon ang pondo ng SBFP sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP) para sa taong 2024, katumbas ng 105% na pag-akyat sa pondo ng programa. Balak ng Department of Education (DepEd) na maabot ang 1.6 milyong benepisyaryo mula Kindergarten hanggang Grade 6 para sa susunod na taon.

Ayon naman kay DepEd Assistant Secretary for Field Operations Francis Cesar Bringas, lumabas sa pag-aaral ng kagawaran na pare-pareho ang nagiging benepisyaryo ng programa kada taon. Bumabalik kasi ang mga mag-aaral sa dating estado ng kanilang nutrisyon kung 120 araw lang sila nakakatanggap ng mga school meals. Dagdag pa ng opisyal, bumabalik din sa pagiging malnourished ang mga mag-aaral na ito pagbalik nila mula sa bakasyon ng dalawang buwan.

“Alam nating hindi matututo ang batang gutom. Karamihan sa mga isyung ito ang dapat tinutugunan sa murang edad, lalo na’t mahirap nang tugunan ang mga ito pagpasok nila sa Kindergarten o primary schools. Ngunit kailangan pa rin natin itong gawin upang hindi lalong mapinsala ang kanilang kalusugan at mga katawan,” ani Gatchalian.

Balak din ng DepEd na palawigin ang araw ng pagpapatupad ng Milk Feeding Program Component ng SBFP sa 47 hanggang 55.

316

Related posts

Leave a Comment