INDIKASYON nang unti-unting paghina ng pwersa ng New People’s Army ang sunod-sunod na pagkaka-aresto at pagsuko ng mga miyembro ng communist terrorist group nitong nagdaang mga araw.
Pahayag ito ni PNP Police Regional Office 5 Director Jonnel C. Estomo matapos na isa na namang aktibong miyembro ng CPP-NPA ang sumuko.
Dagdag pa rito ang pagkakatunton sa pugad ng mga rebeldeng grupo na nagresulta sa pagrekober sa mga armas at pampasabog na maaaring gamitin laban sa gobyerno at mga inosenteng sibilyan.
Sa basbas ng Executive Order No. 70, mas pinaigting ng PNP Bicol, katuwang ang Philippine Army, ang paglulunsad ng mga operasyon upang himukin ang mga kasapi ng NPA na magbalik-loob sa gobyerno at magsimulang muli ng panibagong yugto ng kanilang buhay nang malaya at payapa.
Sa probinsya ng Masbate, dakong alas-7:30 ng gabi noong Agosto 4, 2021, maayos na sumuko ang isang kaanib ng NPA sa pinagsanib na mga operatiba ng PNP at AFP.
Itinago ang pagkakakilanlan ng nagbalik-loob sa pangalang “Samuel”. Siya ay isang aktibong miyembro ng kumand ni Eliseo Cabarles Jr. ng
Kiko/Raymond Commanding Office, Platoon 2, Larangan 1, Komite ng Probinsya 4, na nakatuon ang operasyon sa Ticao Island.
Ayon kay PNP-PRO5 information officer, P/Major Malou Calubaquib, isinuko rin ni “Samuel” ang isang kalibre .38 pistola na walang serial number at kargado ng 5 bala.
Sa kasalukuyan, ang sumuko ay nasa pangangalaga ng San Jacinto MPS upang sumailalim sa proseso ng debriefing. Katuwang ang iba pang ahensya ng pamahalaan, ito ay inaasahang makatatanggap ng tulong sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (ECLIP).
Ang programang ito ay naglalayong umagapay sa rebel returnees bilang preparasyon sa pagharap nila sa madla bilang isang instrumento ng pagbabago at pag-unlad.
Samantala, pinuri ni P/BGen. Estomo, ang mga operatiba sa dedikasyon at tiyagang ipinakita upang himuking sumuko ang nasabing rebelde.
Aniya, ito ay patunay sa matinding pagnanais ng pulisya na tulungan at gabayan ang mga taong minsang nalihis ng daan, na muling manumbalik ang tiwala at respeto sa gobyerno at higit sa lahat, sa kapwa nito Bicolano. (JESSE KABEL)
255 