LUBOS na ikinagalak ng Bureau of Customs ang pagpasok ngayong buwan ng apat pang kawanihan ng pamahalaan sa ilalim ng programang
TRADENET.gov.ph na nagtataguyod ng inter-connectivity data na naglalayong tuldukan ang katiwalian sa pagpasok sa bansa ng mga pangunahing produkto sa merkado.
Kabilang sa mga kagawarang magiging bahagi ng nasabing programa ay ang Bureau of Agriculture and Fisheries Standards (BAFS), Fertilizer and Pesticide Authority (FPA), Sugar Regulatory Administration (SRA) at Export Marketing Bureau na nasa ilalim ng Department of Trade and Industry.
Sa isang pahayag, sinabi ng BOC na handa na rin ang TRADENET sa pagtanggap ng mga online applications para sa issuance ng import at export permits mula sa mga nasabing tanggapan, kasabay ng anunsyong may ilan pang ibang regulatory offices ng gobyerno ang nagpahiwatig ng pagnanais na maging bahagi ng naturang programa.
Ang
TRADENET.gov.ph — ang pinakabagong National Single Window (NSW) – ay gumagamit ng automated and integrated licensing, permit, clearance, and certification system para sa mga regulatory agencies ng pamahalaan.
Kabilang ang BOC sa mga pinakaunang tanggapan ng pamahalaan na naging bahagi ng TRADENET system. Taong 2020 nang simulan ng BOC, at maging ng Biodiversity Management Bureau (BMB), National Tobacco Administration (NTA) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na teknolohiyang sistematikong nagtatala ng mga impormasyon kaugnay ng applications para sa kinakailangang permits at clearances.
Kaugnay nito, hinimok ng BOC ang mga stakeholders na mag-aplay ng permits online gamit ang
TRADENET.gov.ph NSW System.
Wala rin aniyang dapat ikabahala lalo pa’t simple at madaling gamitin ang nasabing digital platform kung saan mayroon nang nakahandang mga User Access Forms at mga sagot sa mga karaniwang tanong kaugnay sa pag-aangkat.
Samantala, tiniyak naman ng BOC – bilang chairman ng National Single Window Technical Working Group (NSW-TWG), na ang kanilang tanggapan ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa Department of Finance (DOF) at Anti-Red Tape Authority (ARTA) para sa implementasyon ng mga polisiya ng administrasyong layon ay padaliin ang proseso sa kalakalan upang makahimok pa ng mas maraming kapitalista.

330