BATANGAS – Nauwi sa trahedya ang bakasyon ng isang lalaking OFW nang ito ay malunod sa outing kasama ng kanyang mga kaibigan sa Brgy. Bagong Silang sa bayan ng Calatagan, Linggo ng hapon.
Ang biktimang si Diosdado, 43-anyos, tubong Bicol, naninirahan sa Brgy. Pantalan, Nasugbu, Batangas, ay hindi umabot nang buhay sa Calatagan Medicare Hospital kung saan ito isinugod ng nagrespondeng personnel ng resort.
Ayon sa report, ang biktima kasama ang mga kaibigan, ay nagkakasayahang naliligo sa mababaw na bahagi ng dagat sa harap ng Passy Beach Resort, nang pagsalpok ng isang malaking alon ay nahatak sila patungo sa malalim na bahagi ng dagat.
Nagawang makalangoy pabalik sa pampang ang mga kasama subalit tuluyang lumubog sa dagat ang biktima.
Agad nagresponde ang mga life guard ng resort at nang masagip ang biktima ay agad dinala sa ospital subalit idineklarang dead on arrival ng doktor. (NILOU DEL CARMEN)
