HINAMON ng Makabayan bloc sa Kamara si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na magpatawag na ng special session upang malitis si Vice President Sara Duterte dahil habang dine-delay anila ang paglilitis ay tila ipinagkakait nito ang hustisya sa taumbayan.
“Kung talagang bukas ang Pangulo sa special session, dapat ay tahasang gawin na niya ito. Hindi na dapat maghintay pa ng kahilingan mula sa Senate President o House Speaker. The people demand accountability now,” ayon sa statement ng Makabayan bloc.
Mas lalong kailangan anilang magpatawag na special session si Marcos dahil mismo ang kampo na umano ni Duterte ang dumidiskaril sa impeachment process dahil sa mga petisyong isinampa ng mga ito sa Korte Suprema upang harangin ang paglilitis sa Bise Presidente.
“Nakakabahala ang patuloy na pagpapaliban sa impeachment trial. Ang bawat araw na dumadaan ay isang araw na pinapatagal ang hustisya para sa mamamayan,” paliwanag ng mga militanteng mambabatas.
Ginawa ng grupo ang nasabing hamon, dahil inaantay umano ng Senado na magpatawag si Marcos ng special session dahil naka-recess ngayon ang Kongreso kaya hindi nila masimulan ang impeachment trial.
Subalit, ayon kay Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, hindi dapat kaladkarin ang Pangulo sa impeachment case laban kay Duterte dahil hindi aniya kailangan ang special session para simulan ang paglilitis.
“Dahil hindi naman ito legislative na trabaho, ito ay something else. Ito ay paglilitis sa isang nasasakdal, in this case the Vice President of the Republic. The impeachment process as sui generis, unique of its own,” ani Adiong.
Nangangamba rin ang mambabatas na kapag nagpatawag ng special session si Marcos ay maaaring gamitin ito ng kampo ng mga Duterte upang siraan ang impeachment process at maging ang administrasyon. (PRIMITIVO MAKILING)
