13 SENTIMOS

DPA Ni BERNARD TAGUINOD

KUNG ang mga eksperto ang tatanungin, ang halaga na lamang ng bawat piso ngayon dahil sa patuloy na pagtaas ng inflation rate o bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin, ay 87 sentimos na lamang.

Ibig sabihin, humina na ng 13 sentimos ang bawat piso natin kaya umaaray na ang mga tao dahil kapag meron kang P1,000 budget, ­katumbas na lamang iyan ng P870. Nawalan ka agad ng P130.

Marami nang mabibili ang P130 dahil puwede na iyan sa pangsahog, huwag lang kilo-kilo ang bilhin niyo dahil hindi talaga magkakasya iyan, puwede lang ‘yan sa tingi-tingi.

Kaya kung ang budget n’yo, ipagpalagay lang natin ay P10,000 kada buwan, nawalan ka agad ng P1300 at sa minimum wage earners, katumbas ng mahigit dalawang araw na trabaho yan.

Umaaray na ang middle class sa taas ng presyo ng mga bilihin, paano na lamang ‘yung mga kababayan natin na walang-wala talaga at walang inaasahang regular na income?

Kung may budget kayo, punta kayo sa grocery stores, mangilan-ngilan na lang ang mga tao na namimili dahil sa taas ng presyo ng pagkain, hindi tulad noon na halos ayaw mong mag-grocery dahil sa dami ng mga tao at masyadong mahaba ang pila kapag nagbabayad ka na.

Dati-rati, punong-puno ang grocery cart kapag namili ang mga tao, ngayon ay pabasket-basket na lang dahil sa patuloy na paghina ng piso at ang epekto, sobrang pagtitipid sa pagkain.

Kahit sa mga talipapa at palengke, sasabihin sa iyo ng mga suki mo na ang hina ng benta dahil walang namimili sa kanilang paninda at kung may mamili man ay patingi-tingi na lang.

May nakasabay nga ako sa talipapa, bumili lang ng isang piraso ng tilapia para magkaroon lang daw sila ng sabaw. Anim sila sa kanilang bahay kasama ang kanyang asawa at apat na anak.

Sa awa ng isang nakakita, inilibre na lang ang gulay sa mama. Ganyan ang sitwasyon ng marami sa ­ating mga kababayan na tinatawag ng karamihan sa atin na “isang kahig isang tuka”.

Sasabihin ng gobyerno, lahat naman ng bansa sa mundo ay apektado sa inflation rate dahil sa kagahaman ng Organization of Petroleum Exporting Countries (OPEC) at pag-giyera ng Russia sa Ukraine at hindi tayo ­exempted d’yan.

Pero dapat ay may gagawin ang economic managers para maibsan ang epekto ng inflation rate. At least makontrol ang presyo ng mga bilihin lalo na ang pagkain dahil kung hindi ay marami ang magugutom. Sabi nga ni Erap: “A hungry stomach knows no law”.

Tulungan ang mga magsasaka na mabawasan ang kanilang production cost tulad ng pag-subsidize sa kanilang abono at binhi dahil sa ­ngayon nakaiiyak ang presyo ng mga fertilizer.

Kailangan ding ­tulungan ang mga magsasaka na madala sa pamilihan lalo na sa Metro Manila, ang kanilang mga ani upang hindi babaratin ng middlemen at saka ­ibebenta nang mahal sa consumers.

23

Related posts

Leave a Comment