PUNA ni JOEL O. AMONGO
DAPAT lang managot ang mga may-ari ng MGC Warehouse, Inc. na nasunog naging dahilan ng pagkamatay ng 15 katao kamakailan.
Matapos ang isinagawang isang buwan na imbestigasyon ng Quezon City Police District (QCPD) ay naisampa na nila ang kaso sa korte laban sa incorporators ng MGC Warehouse, Inc. sa Tandang Sora ng nasabing lungsod.
Matatandaang naganap ang trahedya ng pagkasunog ng warehouse dakong alas-5 ng umaga noong Agosto 31, 2023 sa No. 68, Kenny Drive, Pleasant View, Brgy. Tandang Sora, Quezon City na nagresulta ng pagkamatay ng 15 katao.
Lumabas na ang MGC Warehouse, Inc. na nasunog, ay dating residential unit na ginawang factory.
Kaya isang special panel ang binuo ng Quezon City Government at ang QCPD ay nagbuo ng task force na nagsagawa ng hiwalay na imbestigasyon para malaman ang posibleng ‘lapses’ sa insidente at tiyakin na mabibigyan ng hustisya ang mga biktima at kanilang mga pamilya.
Ang QCPD, sa pamumuno ng bagong hepe na si P/BGen. Redrico Maranan, ay pinagana ang Special Investigation Task Group (SITG) “WAREHOUSE” para sa mabilis na resolusyon sa nasabing insidente.
Napag-alaman natin mula sa ulat ng QCPD, madaling-araw noong Setyembre 19, 2023, si P/Maj. Dondon Llapitan, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), kasama ng kanilang mga operatiba, ay nagtungo sa Occidental Mindoro para hanapin ang mga pamilya ng mga biktima ng sunog. Sila ay tinulungan ni Occidental Mindoro Governor Eduardo Gadiano.
Ang QCPD team ay nagtungo rin sa Sablayan, Occidental Mindoro at kinuha ang pahayag ng ilang mga miyembro ng pamilya ng mga biktima.
Bilang resulta ng kanilang pagsisiyasat, isang kasong ‘reckless imprudence resulting in multiple homicide’ ang isinampa sa nakaligtas na incorporators ng MGC Warehouse, Inc. na kinilalang sina Catherine Sy, Lina Cavilte, Johanna Cavilte at Geofrey Cavilte.
Nagparating naman ng kanilang pasasalamat ang mga kamag-anak ng mga biktima sa QCPD at Quezon City Government sa kanilang ginagawang pagpupursige na pagsasampa ng kasong kriminal laban sa incorporators ng MGC Warehouse, Inc.
Hindi biro na may nabuwis na 15 katao sa sunog na nangyari sa MGC Warehouse kaya kailangang mabigyan ng hustisya ang mga biktima.
Hindi hahantong sa ganyang karaming bilang ang mga namatay kung hindi nagpabaya ang mga may-ari ng pabrika.
Dapat masilip din ng pulisya kung hindi ba alam ng kapitan ng barangay ang operasyon ng nasabing warehouse.
Ang kapitan kasi ang nakakaalam sa aktibidad ng mga residente sa kanyang barangay na nasasakupan kaya hindi tayo kumbinsido na wala siyang alam sa nangyayaring operasyon ng pabrika.
oOo
Para sa sumbong at suhestiyon, mag-email sa o mag-text sa cell# 0977-751-1840.
181