4 SBMA CHAIRMAN/ADMINISTRATORS SA LOOB NG 2 TAON LANG

ITO ANG TOTOO ni VIC V. VIZCOCHO, JR.

PORMAL na uupo ngayong araw bilang bagong Chairman at Administrator ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) at Subic Bay Freeport Zone (SBFZ) ang negosyanteng si Eduardo Jose L. Aliño.

Ito Ang Totoo: Si Aliño na ang ika-apat na Chairman/Administrator ng SBMA/SBFZ sa loob lamang ng dalawampu’t-dalawang buwan (22) o kulang dalawang taon.

Noong March 2, 2022 pinalitan ni noo’y Pangulo ng bansa Rodrigo Duterte ang kanyang appointee na si Wilma T. Eisma, isang abogadang taga-Olongapo, ng dating Olongapo City Mayor na si Rolen C. Paulino, Sr.

Ito Ang Totoo: Wala namang ibinigay na dahilan o kontrobersiyang alam ng publiko na kinasangkutan si Eisma para palitan ni Paulino pero ginawa pa rin ito ng noo’y pangulo.

Mga sampung (10) buwang pagka-upo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., itinalaga naman niya si Jonathan D. Tan, dating Mayor ng Pandan, Antique.

Wala ring kontrobersiya ang panunungkulan ni Paulino pero nasa Pangulo ang desisyon kung sino ang itatalagang SBMA Chairman/Administrator, lalo pa’t ang appointment ni Paulino ay dapat tapusin lamang ang natitira sa anim na taong termino ni Eisma, kung susundin ang patakaran.

Ito Ang Totoo: Walong (8) buwan lamang tumagal ang panunungkulan ni Tan bilang SBMA Chairman & Administrator matapos balutin ng kontrobersiya at mga maling desisyon ang kanyang maikling termino.

Hindi natin masisisi si Pangulong Marcos, Jr. sa pagtitiwala kay Tan kahit sa 4th Class Municipality lamang ito nag-mayor at walang credential sa pagiging magaling na negosyante, bagay na bentahe sana sa pamamahala ng isang sentro ng negosyong tulad ng SBMA at Subic Bay Freeport Zone.

Ang problema ay si Tan mismo ay hindi pinahalagahan ang tiwala ng pangulo at ang pagkakataong ibinigay sa kanya na makagawa ng maganda at mabuti para sa marami sa pamamagitan ng SBMA at SBFZ.

Ito Ang Totoo: Bukod sa kontrobersiya sa ‘kaperahan’, lumupaypay rin ang kita ng SBMA sa ilalim ni Tan, dahil na rin marahil sa usapin ng ‘kaperahan’ kaya maswerte pa na na-appoint ito bilang Undersecretary (USec.) ng Department of the Interior & Local government (DILG).

Ito Ang Totoo: Napapanahon na upang magkaroon ng matatag na pamunuan ang SBMA/SBFZ, dahil ang malimit na pagpapalit ng pamunuan ay may negatibong epekto sa maayos na daloy ng negosyo.

Bagama’t iniintriga si Aliño sa pagkakaroon ng mga negosyo sa Subic Freeport mismo na malamang kanyang isinalin na sa iba, pwede naman siyang bigyan ng “benefit of the doubt” na magiging patas at makatarungan sa lahat.

Ito Ang Totoo: May “track record” bilang mahusay na negosyante si Aliño at ang mahabang panahon na kanyang pagnenegosyo sa Subic ay siguradong nagbigay na sa kanya ng malinaw na pag-unawa at kaalaman sa takbo ng mga bagay dito.

Makikita natin sa susunod na mga panahon kung bibigyang katarungan ni Aliño ang tiwala at pagkakataong ibinigay ni Pangulong Marcos na makapamuno sa isang premyadong sentro ng negosyong tulad ng SBMA at SBFZ. Ito Ang Totoo!

430

Related posts

Leave a Comment