HINDI makatarungan na ang mga Pilipino ang gumagastos sa luho ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at pamilya nito lalo na’t marami ang naghihirap at sumasala sa pagkain.
Reaksyon ito ni ACT party-list Rep. France Castro kaugnay ng paggamit ni Marcos ng chopper nang manood ito kasama ang pamilya sa concert ng British rock band na Coldplay sa Philippine Arena noong Biyernes.
“Naku masyadong luxurious, dahil personal namang kapritso yan dapat gumamit na lang sila ng sariling sasakyan at naranasan din nila ang [dinanas] ng mga nagtungo sa concert,” pahayag ni Castro.
May layong 32 kilometro ang Malacañang sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan subalit imbes na gumamit ng sasakyan ay sumakay ng chopper ang Pangulo na hindi nagustuhan ng netizens.
Sa depensa ng Presidential Security Group (PSG), seguridad ng Pangulo ang dahilan kaya gumamit ito ng chopper dahil sa matinding trapik na idinulot ng concert goers sa North Luzon Expressway (NLEX) subalit hindi ito kinagat ni Castro.
“Pagpapakita na ang president at kanyang pamilya ay insensitive sa kahirapan ng mamamayan. Marami sa ating kababayan, isang kahig, isang tuka pero ang president at pamilya nya manonood lang ng concert milyon ang gastos. Ano naman pakinabang ng bayan dyan?,” tanong pa ng mambabatas.
Maging si Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel ay kinontra ang depensa ng PSG. Aniya, mas nanganganib ang buhay ng mga Pilipino dahil sa sinusuong na problema sa trapik sa Metro Manila.
“Security threat ang malalang traffic sa maraming Pilipino araw-araw, ‘di lang tuwing may concert. Sa halip na solusyonan ito, mas malaking security threat sa kabuhayan pa ang pinapatupad ni Marcos Jr. sa PUV phaseout,” ani Manuel.
Daan libong trabaho ang imamasaker pagsapit ng February 1 habang nakachopper lang sa concert ang nag-utos nito. Iyan ang hirap sa manhid at pahirap na liderato na mas madalas pa kausap at nakikinig sa dayuhang negosyo kaysa sa kapwa Pilipino,” dagdag pa nito.
(BERNARD TAGUINOD)
116