ANAK NA NAGTUNGO SA BRUNEI NOONG 2006, ‘DI NA NAGPARAMDAM SA MGA MAGULANG

PUNA ni JOEL O. AMONGO

NAGHIHINAGPIS ngayon ang isang 67-anyos na nanay matapos na mawalan sila ng balita sa kinaroroonan kanyang anak na nag-abroad sa bansang Brunei mula pa noong taong 2006 hanggang ngayon.

Sa madamdaming pahayag ni Nanay Milagros Laxamana, residente ng Brgy. San Pablo, Magalang, Pampanga, sinabi niyang umalis ang kanyang anak na panganay na si Madela Calaguas Laxamana, 37-anyos na ngayon, na nagpunta sa Brunei noong Abril 19, 2006.

Nauna rito, sinabi ni Nanay Milagros na ang kanyang anak na si Madela ay inalok ng isang Malaysian national na si Mr. Cyprien Chang na kasintahan ng kanyang pamangking si alyas “Evelyn”, na mag-abroad sa Brunei.

Dahil umano sa tiwala ni Nanay Milagros at ng kanyang pamilya sapagkat kilala na nila nang personal si Mr. Chang at tatlong beses na rin itong nagpunta sa kanilang barangay, ay pinayagan niyang umalis si Madela patungong Brunei para magtrabaho doon.

Wala pang isang buwan ang inabot sa pag-aayos ng mga dokumento ni Madela ay nakaalis agad ito patungong Brunei dahil direct hired siya.

Makalipas ang mahigit kumulang tatlong buwan ay nakausap sa cellphone ni Nanay Milagros ang kanyang anak (Madela) at sinabi nitong maayos naman ang kanyang trabaho sa isang opisina at computer pa aniya ang kanyang hawak.

Nagpadala pa umano ito ng sampung libong piso (P10K) para sa anak nitong naiwan sa pangangalaga ng ama ng bata para sa gastusin sa kaarawan nito.

Napag-alaman na ang company address na pinapasukan ni Madela ay matatagpuan sa Kuan Ling, Blk 3, B4 Kompleks Perindustrian Ringain, Kuala, Belait, Brunei, Darussalam.

Pagsapit ng December 2006, ay nabalitaan ni Nanay Milagros sa pamamagitan ng kanyang pamangkin na si Evelyn, na sinabi ni Mr. Chang na uuwi raw si Madela sa kanila sa Magalang, Pampanga.

Nagbigay pa umano ng flight details na W8 QQAC Air Asia, Dec. 10, 2006, si Mr. Chang kay Evelyn na siya naman nitong ipinasa kay Nanay Milagros, subalit nang tunguhin ng mga magulang ni Madela ang Clark Airport sa Angeles, Pampanga ay wala silang nakitang record ni Madela Calaguas Laxamana na sumakay sa nasabing eroplano.

Nakakuha naman si Nanay Milagros ng contact number ni Jayross Villanueva na taga Biñan, Laguna na umano’y kasamahan ni Madela sa trabaho sa Brunei kung kaya’t agad niya itong tinawagan at tinanong kung alam niya ang kinaroroonan ni Madela.

Ayon kay Villanueva, ang pagkakaalam niya ay pauwi na si Madela at ang naghatid sa kanya sa airport ay si Mr. Chang.

Kaugnay nito, kung saan-saan na lumapit si Nanay Milagros, subalit wala pa rin silang makuhang resulta mula noong 2006 hanggang ngayong 2023, at walang impormasyon kung saan na napunta ang kanilang anak (Madela) na 37-anyos na ngayon.

Sa mga nakakaalam sa kinaroroonan ni Madela Calaguas Laxamana, maaari n’yo pong tawagan ang kanyang mga magulang: Milagros Laxamana, cell# 0906-773-3882, at Maximo Laxamana, cell# 0995-669-77-73.

oOo

Para sa sumbong at suhestiyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

76

Related posts

Leave a Comment