ANYARE SA COMELEC?

BISTADOR ni Rudy Sim

MATAPANG na humarap sa publiko at sa mga miyembro ng media si Legazpi City Mayor Geraldine “Gie” Rosal kasama ang kanyang mister na si Albay Governor Noel Ebriega Rosal na buong suporta sa kanya sa paniniwalang sila’y biktima ng magulong ikot ng buhay sa pulitika.

Naging kaduda-duda ang naging hakbang ng Commission on Elections sa pagdisqualify kay elected Mayor Rosal, kung saan humugot ang mga ito ng dahilan upang gawin ang isang hakbang na tila naging labag sa karapatan ng pinili mismo ng mga botante sa nagdaang halalang lokal.

Nauna na umanong ibinasura ng Comelec Second Division ang reklamo kay Mayor Rosal dahil sa kawalan ng ebidensya na ito ay namili ng boto o kilala sa tawag na vote buying. Isa rin umano sa naging akusasyon ng kalaban ni Rosal sa pulitika ay ang paglalabas daw nito ng pondo ng gobyerno noong kasagsagan ng halalan? Aba teka!! Siguro naman ay matataas ang pinag-aralan nitong mga taga Comelec En Banc na bumuhay sa patay na kaso.

Para sa patas na pamamahayag, binibigyan natin ng karapatan ang kabilang panig upang ipaliwanag ang kabaliwan este, kanilang hakbang kung paano naglabas ng public fund si Mayor Rosal eh hindi pa ito government official noong panahong iyon.

Sa kabila nito, naniniwala pa rin sina Rosal na lalabas ang katotohanan at agad na aaksyon ang Korte Suprema sa hindi umano makatarungang desisyon ng En Banc upang i-disqualify ang taong iniluklok ng taumbayan sa puwesto.

Ang Comelec ang isa sa mga ahensya ng ating pamahalaan na nananatiling pinagkakatiwalaan ng ating mga kababayan upang ingatan at pangalagaan ang kanilang boto at hindi ang makialam sa away-pulitika at bigyang pabor ang natalo sa eleksyon.

Kalungkutan para sa mga residente ng Legazpi City ang tila harassment ng Comelec sa kanilang Mayora na matapos ang ginawa nitong paglilingkod sa taumbayan ay isang hindi makatwirang butas ang idinahilan upang ang natalo sa karera na si dating Congressman Alfredo “Pido” Garbin Jr. ang panigan.

Dapat na tignan ito mabuti ng Malacañang upang hindi na lumala ang away-pulitika sa Legazpi City na gaya sa nangyari sa madugong masaker sa Negros Oriental. Ang ngitngit ng taumbayan na nawalan ng karapatan sa kanilang boto, ay maaaring magdulot ng muling pag-alburuto ng nananahimik na Mayon Volcano.

(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

289

Related posts

Leave a Comment