PUNA Ni JOEL AMONGO
TILA kumbinsido si Atty. Toto Causing, tagapagsalita ng Mabasa family, sa itinatakbo ng imbestigasyon ng kaso ngayon sa pagpatay kay veteran broadcaster Percival Mabasa o mas kilala bilang si Percy Lapid.
Sa panonood ng PUNA sa vlog ni Atty. Causing kamakailan, binanatan niya si suspended Bureau of Corrections (BuCor) director, General Gerald Bantag.
Sa aking pananaw, duda si Atty. Causing sa pagkatao ni Bantag kaya hindi siya kumbinsido na wala itong kinalaman sa pagpatay kay Percy Lapid.
Mula sa dating pinanggalingan ni Bantag sa Parañaque City Jail, 10 preso ang namatay sa pagsabog ng isang granada mula sa kanyang opisina.
Ang sampung preso na namatay sa insidente ay pawang high profile inmates na mga Chinese national.
Sa kabila ng pagiging kwestyunable ng pagkatao ni Bantag ay naitalaga pa itong BuCor chief sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Sa pagpasok ni Bantag sa BuCor ay gumawa ito ng ingay dahil sa ginawa niyang paggiba sa mga kubol sa New Bilibid Prison (NBP).
Lalo pa siyang naging kontrobersyal dahil sa pagkamatay ng high profile inmates kabilang na rito sina Jayvee Sebastian at Amin Imam Boratong.
Si Sebastian na kilalang drug lord ay namatay umano noong Hulyo 20, 2022 dahil sa COVID-19, ganoon din si Boratong, ang shabu tiangge operator sa Pasig City. ay namatay umano sa COVID-19 noong Hunyo 5, 2022.
Sa isyung pagkamatay ng dalawa ay duda si Atty. Causing dahil walang naipakitang ebidensya si Bantag na magpapatunay na totoo ang kanyang sinabing patay na ang mga ito.
Ang bangkay ni Sebastian ay agad na ipina-cremate at ang kay Boratong naman ay agad inilibing sa isang Muslim cemetery sa Norzagaray, Bulacan.
Ngayon, sa isyu ng pamamaril kay Percy Lapid ay lalong mas nagduda si Atty. Causing kay Bantag.
Matatandaan na matapos lumutang si Joel Escorial, ang sumukong umamin na gunman sa Percy Lapid slay, makalipas ng ilang oras ay namatay si Jun Villamor, ang tinaguriang “middleman”.
Sinabi ni Escorial na si Villamor ang kumausap sa kanya para patayin si Lapid.
Si Villamor ay nakakulong sa NBP sa ilalim ng pamumuno ni Bantag. Base sa autopsy ni Dr. Raquel Fortun, ang ikinamatay ni Villamor ay suffocation sa pamamagitan ng pagsuklob ng plastic sa ulo ng biktima.
Lumalabas na may foul play sa pagkamatay ni Villamor, kaya hindi naniniwala ang pamilyang Mabasa at si Atty. Causing na walang kinalaman si Bantag.
Si Bantag, kasama ng limang iba pa ay kinasuhan na ng double murder dahil sa pagkamatay nina Lapid at Villamor.
Kayo, kumbinsido ba kayo na si Bantag ay may kinalaman sa pagkamatay nina Villamor at Lapid?
oOo
Para sa reaksyon at suhestiyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.
