BAGONG PANGULO, BAGONG PAG-ASA PARA SA AMERIKA

SA wakas ay natapos na ang pamumuno ni Donald Trump sa Amerika.

Noong ika-20 ng ­Enero ay ginanap ang inagurasyon ni Joe Biden bilang bago at ika-46 na ­Pangulo ng nasabing bansa. N­aging makasaysayan at kakaiba ang inagurasyon ni Biden dahil sa higpit ng seguridad sa lugar. Tinatayang nasa 25,000 na National Guard ang naroroon upang ­maprotektahan ang ­seguridad ng inagurasyon. Ang matinding seguridad ay bunsod ng kaguluhang naganap sa US Capitol noong ika-6 ng Enero nang sumugod dito ang mga taga-suporta ni Trump upang manggulo.

Tunay na makasay­sayan ang nasabing inagurasyon hindi lamang dahil sa higpit ng seguridad kundi dahil sa hindi pagdalo ni Trump. Pinanindigan ni Trump ang kanyang ipinahayag sa Twitter bago permanenting sinuspinde ng Twitter ang nasabing account.

Sinabi nitong hindi siya dadalo sa inagurasyon ni Biden. Sa unang pagkakataon sa loob ng isa’t kalahating siglo, hindi ­dumalo ang paalis na presidente sa inagurasyon ng papalit sa kanya. Huli itong nangyari noong 1869.

Hindi naging bukas sa publiko ang nasabing inagurasyon bunsod na rin ng restriksyon ng pandemyang COVID-19. Kasama sa mga dumalo sa inagurasyon ay tatlo sa dating pangulo ng bansa: Barack Obama, na pinagsilbihan ni Biden bilang bise-presidente sa loob ng walong taon; Bill Clinton, at George W. Bush.

Sa pag-uumpisa ng taong 2021, ang pagsisimula ng pamumuno ni President Biden ay maituturing na isang perpektong pagkakataon upang umpisahang burahin ang mga alaala ng mga hindi magandang pangyayari sa bansa. Nangako naman si Biden na paghuhusayan nito ang kanyang trabaho, lalo na ang pagtugon ng bansa sa pandemya.

Inaasahan ding ­magiging mabilis ang aksyon ni Biden patungkol sa mga inisyatiba at hakbang upang baligtarin at bawiin ang pag-atras ni Trump sa Paris climate accord. ­Inaasahan ding tatanggalin ni Biden ang travel ban na ipinataw ni Trump sa mga dayuhan na magmumula sa mga Muslim na bansa. Marami rin ang umaasa sa pagkakaroon ng batas ukol sa pagiging ganap na mamamayan ng humigit kumulang 11 milyong imigrante na naninirahan sa US.

Matindi ang hamon kay Biden bilang bagong ­pangulo ng Amerika dahil sa epektong iniwan ng magulong pamumuno ni Trump. Napakarami ang kanyang sasaluhing mga problema at ang pinakamabigat dito ay ang responsibilidad na maibalik ang pagkakaisa ng mga mamamayan ng Amerika. Tila mas mahirap pa ito kumpara sa pagtugon sa pandemyang COVID-19.

Sa kabila ng matinding hamong ito, ako ay naniniwala na ito na ang bagong simula na pinakahihintay ng Amerika. Ito na ang simula ng muling pagbangon nito mula sa kinasadlakan nitong kahihiyan sa pamumuno ni Trump.

110

Related posts

Leave a Comment