STOP OVER SA DUBAI, ISANG URI NG ILLEGAL RECRUITMENT SA U.A.E.

GARAPALAN at talamak na ang nangyayaring ­illegal recruitment sa social media patungo sa United Arab Emirates (UAE) na kinapapalooban ng Dubai at Abu Dhabi.
Nitong nakaraang Biyernes ay napag-usapan namin sa aming programang Bantay OFW sa DWDD 1134KHz AM kasama si Alden Estolas at POEA ­Administrator Bernard Olalia ang sumbong ng mga OFW ukol sa paghihikayat sa kanila ng ilang mga kapwa OFW na nakabase sa Dubai upang lumipat ng trabaho mula sa karatig na bansa.

Kabilang sa mga ­­isinumbong ng mga OFW at ­Volunteer Advocates ang may Facebook Account na TAD HOUSEMAID at si ­Angela Refil na parehong nakabase sa Dubai, U.A.E.

Katwiran ng mga nasabing illegal recruiter ay ­lehitimo at lisensyadong ­recruitment agency sa Dubai ang pinagpapasukan nila ng mga aplikante kung kaya lehitimo ang kanilang recruitment.

Nakaligtaan ng mga nasabing illegal recruiter na mahigpit na ipinagbabawal ang iskema na tinatawag na “third country recruitment” na kung saan ang mga OFW na ­kasalukuyang nagtatrabaho sa ibang bansa ay ­hinihikayat na lumipat ng employer sa mga karatig na bansa.

Halimbawa rito ay kung sa kasalukuyan ay nagtatrabaho sa Kuwait ang isang OFW at hinikayat na lumipat ng trabaho patungo sa Dubai na hindi dumaan ang mga kontrata o dokumento sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) o sa Philippine Overseas Labor Office (POLO) ay ­maituturing na itong illegal recruitment.

Madalas na ang ahensya sa Dubai o Abu Dhabi ang gumagawa ng ganitong kabalustugan dahil hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin pinapayagan ng POEA ang pagpapadala ng Household Service ­workers (HSW) sa UAE dahil sa hindi pa napagkakasunduan ang ­hinihiling na proteksyon at kontrata na dapat gamitin para sa pagpapadala ng mga HSW sa UAE.

Napakadelikado at tiyak na agrabyado ang sinumang OFW na mabibiktima o nahihikayat na lumipat ng ibang bansa dahil sakaling may masamang nangyari o di kaya ay namaltrato ang isang OFW ay walang ­ahensya na maaring managot sa kanyang naging kalagayan.

Sa aking panayam kay POEA Administartor Bernard Olalia ay mariin niyang binalaan ang mga gumagawa ng iskema na third country recruitment. Nagbabala rin ito na sakaling makuha ng POLO ang kumpletong detalye ng pagkaka-kilanlan ng mga illegal recruiter ay sisiguruhin ng POEA na ito ay kanilang kakasuhan. ­Idinagdag pa niya na kaniyang hihilingin ang tulong ng Department of Foreign Affairs upang ipakansela ang mga pasaporte ng mga illegal recruiters upang ang mga ito ay mapa-deport at makulong sa Pilipinas.

Hindi lamang sa ­bansang UAE nagaganap ang ­ganitong gawain ng mga ­illegal recruiters, katunayan ay noon pang taong 2018 ay ganito rin ang estilong ­ginagawa sa pagrerecruit sa mga OFW na mula naman sa Hong Kong, ­Singapore and Cyprus upang dalhin direkta sa Dubai, Mongolia, Turkey, Russia at Lebanon.

Matatamis ang dila ng mga illegal recruiter na ito para makahikayat ng ­kanilang biktima. Kabilang sa kanilang pang-enganyo ay ang pagsasabi na walang babayaran na placement fee, may iba pang kasamang OFW sa loob ng tahanan na ­pinagtatrabahuhan at ­regular ang day off. Ngunit sa oras na ito ay ­makarating na sa UAE ay doon na nagsisimula ang kanilang kalbaryo na kung saan ay hindi na sila binabayaran ng sweldo dahil ito ay kapit na sa patalim dahil wala na itong visa at maituturing na illegal worker. May ilan din insidente na ang biktima ay napapasok sa prostitusyon.

Maging babala sana ito sa mga illegal ­recruiters at sa mga nagpaplano pa lamang na magtungo sa mga nabangit na bansa sa pamamagitan ng “Stop Over sa Dubai”.

67

Related posts

Leave a Comment