Team Pilipinas handa vs South Korea sa FIBA Asia Cup Qualifier – Uichico

WALONG taon at limang sunod na pagkatalo ng Team Pilipinas sa South Korea sa torneong pang-internasyonal ang layong putulin ni coach Jong Uichico at ng pambasang koponan sa darating na third window ng FIBA Asia Cup qualifiers sa Pebrero 18 hanggang 22 sa New Clark City, Pampanga.

Mula noong talunin ng mga Pilipinong basketbolista ang mga Koreano, 86-79, sa 2013 FIBA Asia Cup semifinal round ay hindi na ulit nanalo ang ating mga kababayan.

Talo tayo sa mga Koreano sa 2014 Asian Games kung kailan ay hindi nakalaro si Andray Blatche na apurahang ginawaran ng ­Kongreso para maging Pilipino, dahil sa paglabag sa FIBA residence rule.
Bigo rin ang ating koponang makabawi noong 2015 at 2017 Jones Cup, 2017 FIBA Asia Cup at 2018 Asiad nang sa wakas ay nakalaro na rin si Blatche makaraang ma-aprubahan ng Mababang Kapulungan at ng Senado at lagdaan ng noon ay Pangulong Benigno Aquino 3rd ang batas na nagbigay sa kanya ng basbas na maging mamamayang Pilipino.

Bukod dito, hangad din ni Uichico na makaganti sa mga Koreano na tinalo ang ating pambansang koponan noong siya ang coach sa semis sa 2002 Asia Games na ginanap sa Seoul.
Bukod sa mga mapapait na gunitaing ito, dagdag ding ­problema ng Gilas Pilipinas ang posibleng paglalaro ni Korean naturalized player Ricardo Ratliffe.

Si Ratliffe na ngayon ay tumutugon na sa pangalang Ra Gun-Ah, ay dalawang beses nang naging import ng Magnolia Star Hotshots sa PBA at may pruweba nang maaasahang manlalaro ng kanyang bagong kinikilalang bansa mula nang magawaran ng pagiging naturalized player ng Korea noong 2018.

Si Ra na may taas na 6-foot-6 ay nakapagsumite ng average 23 puntos at 12.8 rebounds sa 2019 FIBA World Cup at inaasahang magpapahirap sa kasalukuyang lineup ni Uichico, kung sakaling sisipot ang mga Koreano sa Clark.

Ayon kay coach Jong, wala pang opisyal na pahayag kung darating si Ra bagama’t idinugtong niya na “Ra or no Ra, Team Pilipinas ay preparadong harapin ang mga Koreano pagdating ng FIBA Asia Cup.”

“Korea has not submitted a lineup yet,” pagtatapat ni Uichico kay Olmin Leyba ng Philippine Star.

Ang naturang Koreano ay hindi pa nakalalaro sa Asia Cup qualifiers. Nasa injury list siya noong first window noong Pebrero ng nakaraang taon. Hindi rin siya nakapaglaro sa second window sa Bahrain.

Samantala, ang Team Pilipinas training pool sa ­pangunguna ng mga pros na sina Kiefer Ravena, CJ Perez at Justin Chua ay kasalukuyang nasa training camp sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna. Ang pangalawang grupo ng PBA players ay sina RR Pogoy at Troy Rosario ng TNT, at NLEX big man Raul Soyud.

Inaasahang lalahok din sa Gilas si Kai Sotto na ­kasalukuyang naglalaro sa U.S. NBA G-League, para palakasin ang frontline ni coach Jong.

Nauna nang nagpahayag ang 7-foot-3 na si Sotto ng kanyang kahandaang makapaglaro sa pambansang koponan sukdulang umalis siya sa NBA G-League at kalimutang pansamantala ang kanyang pangarap na makapaglaro sa pinaka-prestihiyosong liga propesyonal sa daigdig.

“I’m heading home soon. ­Sobrang excited ako na binigyan ng opportunity para makapaglaro sa Gilas ngayong February window, “wika ni Sotto sa kanyang Instagram account.
“Nagpapasalamat ako sa lahat ng mga sumusuporta at naninawala sa aking pangarap na makapaglaro sa bayan at sa tamang panahon, sa NBA” aniya.

63

Related posts

Leave a Comment