BAHAY AT BUHAY

Psychtalk

(Unang bahagi)

Ilang taon na rin ang nakararaan nang mawala ko ang mga koleksiyon ko ng CDs ng kanta nang masunog ang isang kubong pahingahan sana namin sa isang nayon sa timog-Katagalugan.

Kasama rito ang CD ng isa sa hinahangaan kong alternative at aktibistang mang-aawit na si Gary Granada.

Kagabi, nang makita ko ang balita sa TV tungkol sa kampanya sa Maynila na linisin at pagandahin ang kapaligiran, sa pangkalahatan maganda naman ang dating nito at sumasang-ayon ako sa hangarin. Tama naman na bigyan natin ng inspirasyon ang mamamayan na kahit nasa dahop silang kalagayan ay kailangang may dignidad rin. Tama naman!

Kasama sa paraang inilatag ay ang paglilinis ng kanya-kanyang harapan at pagbabawal na maglaba sa harap ng bahay (na sa tinatawag nating informal settlers ay mismong sa mga eskinita na ‘yun malamang) at bawal na rin magsampay ng labada sa labas—bintana, terrace, o kalye. Ang dating ng mensahe ay nakakapangit kasi ito ng paligid, masakit sa mata ng mga nakakakita.

Naalala ko ang kanta ni Gary Granada na “Bahay.”

“Isang araw ako’y nadalaw sa bahay tambakan. Labinglimang mag-anak ang duo’y nagsiksikan Nagtitiis sa mun­ting barung-barong na sira-sira … Habang doon sa isang mansyon halos walang nakatira. Sa init ng tabla’t karton sila doo’y nakakulong. Sa lilim ng yerong kalawang at mga sirang gulong. Pinagtagpi-tagping basurang pinatu­ngan ng bato Hindi ko maintindihan bakit ang tawag sa ganito Ay bahay….”

Bigla akong napatanong sa sarili, kung ako ba ang nasa ganitong kalagayan, magiging prayoridad ko pa kaya ang estetika o pagpapaganda ng bahay o lugar ko? May puwang pa ba ng sining? ‘Di kaya ang uunahin kong sagutin ay saan kaya ako makakapaggampan nang maayos ng aking mga batayang pangangailangan (ligo, laba, sampay)?

Saan ko isisiksik ang mga gamit sa maliit na kuwadradong espasyo? Paano kami makakatulog nang maayos kahit siksikan?

Sa kalagayan ng maraming nasa laylayan, wala silang kapasidad na tugunan mismo ang requirements para ma­ging akma ang porma ng mga bahay nila—para makatugon sa hinihingi ng estetika at sa usapin ng epektibong gamit.

Para wala na ring duda ang mang-aawit na si Gary Granada na ang tinutukoy natin at gusto nating pagandahin at bigyang-dignidad na mga istraktura ay totoong bahay. (Psychtalk / EVANGELINE C. RUGA, PhD)

231

Related posts

Leave a Comment