Bakit hindi naglalaro para sa Pilipinas si Super GM Wesley So?

0

LIMANG araw pa lamang ang nakararaan, ng ang Super Grandmaster na si Wesley So ay matagumpay na naipagtanggol ang kan­yang korona bilang U.S Chess Champion. Ang ikinalulungkot ng mga kababayan niya sa Pilipinas, nakamit niya ang karangalan hindi na bilang isang Pilipino.

Ang 28 anyos na tubong Bacoor, Cavite ay tatlong beses nang ­naging U.S champion. Ngunit sa pagkakataong ito, bilang isa nang ganap na mamamayan ng Amerika matapos makuha ang kanyang bagong citizenship noong Pebrero 2021.

Ilang mensahe ang natanggap ng ­kolum­nistang ito mula sa mga mambabasa na nagtatanong kung bakit at paano ito nangyari?

Lumipat si Wesley sa U.S. noong 2014, matapos niyang makamit ng kauna-unahang gintong medalya ng Pilipinas sa 2012 Summer Universiade sa Kazan, Russia matapos talunin si Zaven Andriasian. Sa kasamaang palad, hindi niya natanggap ang mga dapat makuhang insentibo, kabilang ang P1 milyon sa ilalim ng Athletes and Coaches Incentives Law na kinatha ni dating Senador Robert Jaworski.

Hanggang ngayon ay hindi pa rin malinaw kung paanong hindi naibigay ang mga insentibo na para kay So. Maging ang Philippine Chess Federation at Philippine Sports Commission ay nagtuturuan kung sino ang may sala sa nangyari.

Sa sama ng loob, lumipat na lang ang bata at matalinong Pinoy chess master sa U.S. Chess Federation, na bukas-palad siyang tinanggap.

Ayon sa mga opisyal ng PSC noon, ang Universiade ay wala sa mga international event na ginagarantiyahan ng RA No. 9644, kung saan ang medalist ay binibigyan ng karampatang insentibo.

Samantala, ang Philippine Olympic Committee ay hindi kinilala ang Universiade sa dahilang ang pambansang delegasyon ay ipinadala umano sa Russia ng grupong kalaban ng POC noon. Sinasabing may kaugnayan ang away ng mga opisyal sa liderato sa national basketball.

Ang mahihirap at walang koneksyon dito sa Pilipinas ay ­itinuturing na basura na puwedeng yapak-yapakan, himutok ng Super GM sa isang panayam noon. “Because of a quarrel between the kings of the sports ­bodies, they not only did the country a disservice by refusing to acknowledge my efforts, they refused to give me the P1 million promised to athletes who bring home a gold medal.”

Ayon kay Lotis Key, dating aktres sa Pilipinas at nag-ampon sa ngayon ay ranked no. 6 sa International Chess ­Federation (FIDE), matindi talaga ang sama ng loob ng kanyang alaga sa mga sports official sa Pilipinas kaya pumasok din sa isip ni Wesley ang tuluyang tumigil na sa paglalaro.

Samantala, tiyak na nagsisisi ngayon ang mga naturang opisyales lalo’t ang pinakawalan nilang chess whiz ay kaliwa’t kanan ang karangalang ibinibigay sa bansang umampon sa kanya.

Katunayan, si So ang unang kampeon sa Fischer Random Chess Championship at ­defending champ sa U.S Chess Championship.

Nakapagtapos na rin sa Webster University’s School of Education ang isa sa kinikilala ngayong pinakamagaling na manlalaro ng sport, na ngayon ay dala-dala ang bandila ni “Uncle Sam” dahil sa kapabayaan ng mga namumuno sa Philippine sports.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment