BAKIT NUMERO UNO SI MAYOR SARA DUTERTE – CARPIO?

NUMERO uno ang anak ni P­angulong Rodrigo Duterte na si Mayor Sara Duterte – Carpio sa unang sarbey ng Pulse Asia para sa mga posibleng kandidato sa pagkapangulo ng bansa.
Nakakuha si Duterte – Carpio ng 26 porsiyento.

Napakalaki ng lamang niya sa dalawang pumangalawa sa sarbey na sina dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Senadora Mary Grace Poe na parehong nakakuha ng 14%.

Wala namang mali kung numero uno sa unang sarbey si Duterte – Carpio kung ito ang totoong resulta ng tanong ng Pulse Asia sa respondents nito mula Luzon hanggang Mindanao.

Bilang tagamasid ng nagaganap sa pulitika sa ating bansa at bilang journalist, nagtataka lang ako kung bakit nanguna si Sara.

Anu-ano ba ang naging pamantayan ng mga taong pinagtatanong ng Pulse Asia upang ipanalo nila sa sarbey sa mga posibleng kandidato sa pagkapangulo sa eleksyon?

Hindi kasi ‘putok’ sa media ang mga nagawa ni Carpio – Duterte sa pagiging alkalde nito ng Lungsod ng Davao.

Nababanggit naman si Sara sa social media, ngunit hindi ­kasing ‘sigla’ ng mga lumabas at ­patuloy na lumalabas na mga balita, ­litrato at samu’t saring komentaryo tungkol sa positibo at negatibong mga nagawa at ginagawa ni ­Bise Presidente Maria Leonor Robredo.

Ang totoo, higit na marami ang mga magagandang puntos at papuri kay Robredo kumpara kina Carpio – Duterte, Marcos, Poe, Senador Manny Pacquiao at iba pang ‘nagpaparamdam’ sa planong pagtakbo sa pagkapangulo sa halalang 2022.

Pokaragat na ‘yan!

Bibilib ka nang husto kay ­Robredo kapag babasahin mo ang mga balita at papuri tungkol sa kanya.

Noon ngang matapos ang mga Bagyong “Rolly” at “Ulyses” ay bidang – bida si Robredo sa ­ginagawa nitong pagtulong sa mga nasalanta ng nasabing mga bagyo.

Akalain mong naagaw ni Robredo ang eksena sa pagtulong sa mga biktima ng bagyo dahil ultimong si Pangulong Duterte ang umani ng maraming kritisismo mula sa publiko dahil hindi raw ito nang-ikot sa mga lugar na tinamaan ng mga bagyo.

Katunayan, lumabas ang #NasaanAngPangulo kung saan ang naging tanging layunin nito ay bigwasan si Duterte dahil sa ­kapalpakan umano ng huli.

Sa sobrang paghanga sa pangalawang pangulo ng bansa, maaaring isipin ng sinuman na itong si Leni Robredo na ang nilalang na ‘hulog ng langit’ upang ­isalba ang Pilipinas mula kay Duterte.
Pwede ring sabihing si Robredo na ang makapipigil sa tuluy-tuloy na kontrol ng pamilya Duterte sa Malakanyang.

Pero, palagay ko nabisto at nakumbinsi ang respondents sa sarbey ng Pulse Asia na malaking kalokohan at maling desisyon uli kung magiging pangulo si Robredo na siyang kasalukuyang pinuno ng Liberal Party (LP).

Kaya, bagsak ang iskor ni Robredo sa sarbey.

Hindi nakagugulat ang ­pagkakalaglag ni Robredo sa ikaanim na puwesto sa sarbey dahil sa ­lahat ng sarbey mula nang matapos ang halalang 2016 ay hindi naging maganda ang pulso at pananaw ng mamamayang Filipino sa naturang politiko mula sa Lungsod ng Naga.

Ang totoong nakapagtataka ay ang pagkakalagay ni Duterte – Carpio sa unang puwesto.

Hindi ako galit kay Duterte – Carpio dahil wala naman itong nagawang krimen laban sa akin, o sa aking pamilya.

Hindi rin naman niya kasalanan kung maraming nagawang mali ang kanyang tatay laban sa mamamayang Filipino at maraming hindi natupad na mga pangako ang pangulo sa 16 milyong bumoto sa kanya noong 2016.

Sa simpleng salita, iba si Sara at iba rin si Digong.

Iniisip ko kung anu-ano ang mga kagilas-gilas na nagawa ni Sara.

Kahit isa lang, ngunit wala akong maalala.

Sumikat si Sara nang mapa­talsik niya si Rep. Pantaleon Alvarez mula sa pagiging speaker ng Kamara de Representantes sa Ika-17 Kongreso.

Nagmarka rin ang ‘impluwensiya’ ni Sara nang manalo ang kanyang mga kandidato sa ­pagkasenador noong eleksyong 2019.

Pumutok din ang kanyang pangalan nang kunin ni Marinduque Rep. Lord Allan Jay Velasco ang kanyang tulong upang tuluyang makuha ng mambabatas ang pagiging speaker ng mababang kapulungan ng Kongreso mula kay Taguig – Pateros Rep. Alan Peter Cayetano.

Ang mga naturang pangyayari ay hindi maituturing na serbisyo – publiko dahil hindi naman nakinabang ang mamamayang Filipino sa mga ‘yan.

Hindi ko alam kung ano ang tawag sa mga ginawa ni Mayor Sara Duterte – Carpio.

Basta, ang punto ay hindi ‘yan ang mga batayan upang maging pangulo ang anak ni Duterte.

141

Related posts

Leave a Comment