BARYA NA NGA, UUTAY-UTAYIN PA

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

PASADO na nga sa ibang manggagawa ang arawang P100 dagdag-sahod sa kanilang minimum wage dahil buti na raw ito kaysa wala, ngunit, binulabog ang sana’y kumakalma nang bugso ng emosyon ng mga ito ng mungkahi ng isang mambabatas na gawing hulugan ang umentong P100 sa loob ng tatlong taon.

Ganito ba mag-isip ng imumungkahi ang mambabatas, na sa halip na pagpagin ang utak paano maiangat ang buhay ng mga ordinaryong manggagawa ay walang katorya-toryang rekomendasyon ang gustong mangyari.

Sa ilalim ng mungkahi, inirekomenda ni Manila Rep. Joel Chua na implementasyon ng wage hike sa tatlong tranche sa loob ng tatlong taon: P40 sa unang taon, P40 sa kasunod na taon at P20 sa ikatlong taon sa National Capital Region para maging timbang ang interes ng mga trabahador at mga negosyo.

Tinukuran din ng isang mambabatas mula Laguna ang mungkahi ni Chua. Ayon kay Laguna Rep. Marlyn Alonte, pabor siya sa umento ngunit kailangan ang tamang plano para hindi bumagsak ang maliit na mga negosyo na makasasama rin sa mga trabahador at sa ekonomiya.

Laging katwiran ng ilang mambabatas ang epekto ng dagdag-sahod sa ekonomiya ng bansa at tiyak na pagsirit daw ng mga presyo ng bilihin.

Kahit naman walang increase ay wala naman decrease ang presyo ng mga bilihin, na sumisipa pa nga.

Kaya paano pagkakasyahin ang minimum na sweldo na kahit idagdag pa ang P100 kada araw ay kapos pa rin? Mas lalong iigsi ang pisi kung tatlong hulog itong ipagkakaloob.

Paano nga naman matutugunan ng mga manggagawa ang mga pangangailangan kung hulugan ang bigayan ng dagdag-sahod.

Ngayon kailangan, utay-utay naman ang pagbibigay.

Hindi ata seryoso ang ibang mambabatas na bigyan ng kaukulan at mabilis na remedyo ang pangangailangan ng kanilang mga nasasakupan.

Pahirapan na ang paglusot ng P100, bibiyakin pa ang pagbibigay.

Mismong PSA ang nagpahayag na ang monthly poverty income threshold para sa pamilyang lima ang miyembro ay P13,797 o P627.15 para sa minimum na pangunahing pagkain at ibang

pangangailangan. Noong 2023 yan.

Eh 2024 na. Gaano at paano na ngayon?

Kawawang obrero, wala na atang pag-asang makaalpas sa pagiging kayod-kalabaw.

72

Related posts

Leave a Comment