BATUHAN NG PUTIK

0

SIMULA na ng paghahain ng certificate of candidacy (COC) sa Oktubre kaya naman umiinit na ang pakikipagbangayan ng mga politiko sa posible nilang makakalaban sa eleksyon sa Mayo 2022.

Kanya-kanyang batuhan ang mga ito ng putik at maraming mga baho ang nakakalkal, maging ang personal na buhay.

May mga politikong maging ang hitsura ng kanilang mga katunggali ay nilalait at nawawala na sa paksa na kanilang pinagtatalunan.

Naungkat maging sa social media ang tungkol sa brief, buhok at pagiging mataba ng kanilang posibleng makakalaban sa pwestong kanilang pinupuntirya sa eleksyon.

Maraming mga suliraning kinakaharap ang bansa sa kasalukuyan na dapat pagtuunan ng pansin, dapat na tugunan at bigyan ng solusyon ngunit mas inuubos ng mga politiko ang kanilang oras sa paghahanda ng kanilang kandidatura.

Mangyaring magtrabaho muna kayo at patunayan sa inyong mga nasasakupan na karapat-dapat kayong muling iluklok sa puwesto, hindi ‘yung bangayan kayo nang bangayan.

Kabilang sa mga suliraning dapat tutukan sa kasalukuyan ay ang mabagal pa ring pagbabakuna. Malapit nang matapos ang kasalukuyang taon ay hindi pa rin nakakamit ng bansa ang hinahangad na herd immunity.

Patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga tinatamaan ng COVID-19 na maging ang medical frontliners ay dinadapuan na rin.

Maiging unahin n’yo muna ang kapakanan ng mamamayan na dumadaing na dahil ang kanilang mga mahal sa buhay na dinapuan ng coronavirus, ay tinatanggihan na sa mga ospital. Patuloy ring tumataas ang bilang ng mga namamatay dahil sa nasabing sakit.

Marami ang nawalan ng trabaho dahil sa pagsasara ng mga negosyo. Marami na ang nagugutom na mga Filipino. Maawa naman kayo.

Sa mga botante, sa nangyayari sa kasalukuyan sa politika ng bansa, marahil ay nakita ninyo kung sinong mga opisyal ng gobyerno ang nagsusumikap na tugunan ang pandemya.

Marahil ay nakita n’yo rin ang mga opisyal na mas inuna ang kanilang kikitain kaysa ang pagsagip ng buhay ng mga tinamaan ng coronavirus.

Maging mas matalino sana tayo sa pagpili ng mga opisyal na ating ihahalal. Piliin ang higit na karapat-dapat at huwag ang mga personal na interes ang inuuna.

Sa mga opisyal ng gobyerno, huwag ­sayangin ang inyong nalalabing panahon sa puwesto. Ibuhos n’yo na ito sa pagtulong sa inyong nasasakupan lalo na ang mga nangangailangan.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment