BI JAIL WARDEN SIBAKIN!

BISTADOR ni RUDY SIM

KAMAKAILAN lamang ay pinadalhan tayo ng isang concerned citizen ng isang larawang nagpapatunay na nagkakaroon ng korupsyon at katiwalian sa BI jail sa Camp Bagong Diwa sa Taguig kung saan ay nakapiit dito ang mga dayuhan habang hinihintay ang kanilang deportation.

Inilarawan ng mga kaanak ng mga nakapiit dito ang kalupitan sa ilalim ng pamamahala ng jail warden na si Leander Catalo, na umano’y katulad sa naranasan noon ng mga Jews sa kasamaan ni Adolf Hitler, sa isang concentration camp.

Mula sa pagkaing isinisilbi ng jail facility na halos hindi umano makain ng isang hayop, ay taliwas naman ito sa magandang pamumuhay ng Chinese at South Korean detainees na may kakayanang makapagbayad para sa kanilang magandang pamumuhay sa loob.

Hanggang sa kasalukuyan ay patuloy umano ang delivery ng sako-sakong yelo sa BI jail na ginagamit umano para sa tinatawag nilang VIP room o Ice Room upang magsilbing air-conditioning unit na binabayaran ng P50K kada buwan, habang ang mga dayuhang walang pera ay nagtitiis sa siksikang kwarto kagaya na lamang ng isang dayuhan na nakahiga sa isang maliit na piitan nito katabi ng palikuran, habang ito ay hubo’t hubad.

Kahit hindi natin kababayan ang mga taong ito ay dapat pa rin nating igalang ang kanilang karapatang pantao, bigyan ng sapat at patas na pagkalinga, hindi upang sila ay gatasan at pigain ang kanilang natitirang kayamanan at lakas.

Gaano kaya katotoo na napakalakas nitong si Warden Catalo kay BI Commissioner Norman Tansingco, kaya’t patuloy pa rin itong nasa puwesto, ito kaya ay dahil sila ay magkababayan sa Eastern Samar? Bakit tanging ang maliliit lamang na mga empleyado ang nasibak noong mayroong nakatakas na bilanggo? Uso rin kaya ang “Tara” sa BI Jail? Sino kaya ang nakikinabang sa BI main office?

Bukod sa ilang Ice Room na binabayaran umano ng P50K kada buwan at pagbebenta ng alak na Jack Daniels sa halagang P8,500, maging ang mga dalaw umano na hindi legal na asawa ay hinaharang na makapasok at hinihingian naman ng P3,500 ng guard upang payagan itong madalaw ang kanyang partner.

Anong klaseng tao ang mga kumag na ito? Bakit nakakayanan nilang ipakain ang perang galing sa kanilang kalupitan, sa kanilang pamilya? Makonsensya naman kayong mga hinayupak kayo!!

Tinatawagan natin ng pansin si Department of Justice (DOJ) Secretary Boying Remulla, Sir, tingnan n’yo ang kalagayan at pakinggan ang karaingan ng mga preso rito at sibakin ang jail warden. Maging ang Senado, lalo na si Idol Raffy Tulfo, sana ay mapansin ang katiwalian sa BI jail.

Commission on Human Rights, ngayon kayo kumilos! Para rin sa mga embahada, inyong tingnan din ang kalagayan ng inyong mga kababayan bago mahuli ang lahat.

Para sa inyong sumbong at reaksyon, maaaring i-text ako sa 09158888410.

158

Related posts

Leave a Comment