PUNA Ni JOEL AMONGO
NGAYON masusubukan ang mga awtoridad kung gaano sila kabilis at kagaling magresolba ng maselang kaso tulad ng pagpatay sa ating kasamahang si Percival Mabasa o mas kilala sa tawag na Percy Lapid.
Kailangang mahimay nang mabuti ng mga imbestigador ng Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) ang posibleng gumawa nito para patahimikin si Lapid.
Ang huling binatikos ni Lapid bago siya pinagbabaril ng riding-in-tandem dakong alas-8:30 ng gabi noong Oct. 3, 2022 sa kanyang programang “Lapid Fire” ay si dating Presidential Communications Operations Office Undersecretary at National Task Force to End the Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) Spokesperson Lorraine Badoy at si Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Maging ang ilang gabinete ni PBBM.
Ang malaking katanungan ngayon ay kung sino ang makikinabangan sa pagpatay kay Lapid.
Kamakailan, tahasang sinabi ni Pastor Apollo Quiboloy, honorary chairman ng SMNI, na ang nasa likod ng pagpatay kay Lapid ay ang makakaliwang grupong CPP-NPA.
Ang grupong ito raw ang makikinabang sa pagkawala ni Lapid para ipahid ang kasalanan kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., na itinaon ang ginawang krimen sa nalalapit na ika-100 days ng administrasyon noong Oct 8.
Ayon pa kay Quiboloy, isang propaganda ng makakaliwang grupo ang ginawang pamamaril kay Lapid para isisi sa administrasyon para paniwalain nila ang taumbayan na kapabayaan ng gobyerno ang pagpatay kay Lapid.
Ang isyung pamamaslang kay Lapid ay sinasakyan ngayon ng iba’t ibang grupo at Makabayan Bloc para siraan ang kasalukuyang administrasyon.
Napupulaan na rin ang mga awtoridad na kanilang kapabayaan ang pagpaslang kay Lapid.
Kailangang pakilusin ng mga awtoridad ang kani-kanilang intelligence group para makatulong sa agarang pagtukoy at pag-aresto sa mga salarin at utak ng krimen.
Kaya ngayon, malaking responsibilidad ang kinakaharap ng mga awtoridad na maresolba nila agad at matukoy kung sino ang totoong salarin at utak ng pagpatay kay Lapid.
Kailangang matukoy, maging mataas man ang katungkulan sa gobyerno o ordinaryong tao, ang nasa likod ng pamamaril kay Lapid.
Sa mga awtoridad, sa inyo nakasalalay na hindi tuluyang mawala ang tiwala ng taumbayan sa gobyerno at sa inyo.
Kung matutukoy na ang tunay na salarin at ang utak ng pagpatay kay Lapid ay mula sa kampo ng mga komunista, tuluyan na silang mawawasak.
Naniniwala ang PUNA na magagaling ang ating mga awtoridad kaya kung gugustuhin nila na maresolba agad ang krimen ay magagawa nila ito.
Sa pinakabagong huling impormasyon na natanggap ng PUNA, umabot na ng P6.5M na ang nakapatong sa ulo ng pumatay kay Percy.
Sana mahuli na ang suspek kasama ng utak para mapanagot sila.
At sana hindi matulad sa kaso ng pagpatay sa ibang media practitioner na nilumot na ang kaso ay hindi pa nabibigyan ng hustisya.
At lalong hindi sana matulad sa Plaza Miranda Bombing na lumabas ang katotohanan makalipas ng ilang dekada.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.
