BUGBOG-SARADONG OFW SA OMAN, UMATRAS AGAD SA LABAN

AKO OFW Ni DR CHIE LEAGUE UMANDAP

“PARANG AWA N’YO NA, TULUNGAN N’YO AKO,” ang paulit-ulit na sinambit ni Jeremae Crispe, isang OFW sa Oman na humihingi ng tulong sa pamamagitan ng social media.

Nag-trending sa Facebook nitong Miyerkoles ng gabi ang panawagan na ito na kung saan ay mapapanood siyang umiiyak at ipinakita ang malalaking pasa sa kanyang katawan.

Ayon kay OFW Crispe, nagmula ang pananakit sa kanya ng kanyang amo dahil lamang sa hindi nila pagkakaunawaan ng kanyang among babae na humantong sa pagpilipit ng kanyang kamay habang sila ay nasa bahay ng magulang ng kanyang employer.

Simula nang umuwi sila sa bahay ng kanyang employer ay naranasan na niya ang lahat ng uri ng pananakit. Sa tuwing oras na siya ay nagkakamali ay agad itong pinagbubuhatan ng kamay. Kahit anong mahawakan ng kanyang among babae ay agad na ipinupukpok sa kanyang ulo na naging sanhi ng kanyang pagkakaroon ng bukol.

Maging ang kanyang among lalaki ay ginagawa na rin na saktan siya, katunayan ay naglatay sa kanyang katawan ang ginawang pagpalo ng kahoy sa kanyang tagilirang bahagi ng katawan.

Habang pinapanood ko ang kanyang panawagan sa video ay talagang naawa ako kay OFW Crispe dahil lumatay nang husto sa kanyang buong katawan ang mga pasa na dulot ng labis na pananakit sa kanya.

Mabilis namang nagpaabot ng tulong ang masipag na si Overseas Worker Welfare Administrator Arnell Ignacio na agad na pinasaklolohan si OFW Crispe at nadala agad ito sa Philippine Overseas Labor Office sa Oman.

Ngunit ang nakalulungkot dito, kinabukasan pagkagising ko ay iba na ang tono ni OFW Crispe sa kanyang Facebook wall, kung saan ay nanawagan siya na huwag na ipakalat ang kanyang video at mga post ng tungkol sa kanyang sumbong, dahil umano ang kanyang sumbong ay bunga lang ng hindi pagkakaunawaan at diumano ay naumpog lamang siya.

Nakalulungkot dahil halatang-halata sa mga latay sa kanyang katawan na ito ay bunga ng pagmamaltrato, ngunit imbes na kanyang ipaglaban ang kanyang karapatan at pagkatao ay tila sumusuko agad ito.

Marahil ay dapat na i-review ng ating Department of Foreign Affairs- Assistant to National Unit, ang kanilang patakaran sa pagtanggap ng “desistance” o pag-atras ng kaso ng mga OFW. Dapat din na manguna ang DFA-ATN sa pagpapaunawa ng karapatan ng bawat OFW na naagrabyado upang mabigyan ito ng lakas ng loob.

Naalala ko tuloy ang ilang kaso noong ako ay isang OFW pa sa Kuwait na kung saan ay balitang-balita na ang mga taga- Philippine Embassy pa ang nag-eengganyo na paatrasin sa kaso ang OFW matapos na makipagkita sa kanila ng employer. Sa bandang huli, sila lamang ang kumita.

Nangyari ito sa kaso ng isang OFW na pinaso ng employer, pero imbes na kasuhan ang employer na isang opisyal ng immigration sa Kuwait, ay agad na pinauwi ang pobreng OFW upang hindi makapagsampa ng kaso.

Kaya umaasa ang AKO OFW na sa pagsisimula ng full operation g Department of Migrant Workers sa paghawak ng Aksyon Fund, ay maraming OFW na ay magkakamit ng hustisya mula sa mapang-abusong mga employer.

***

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa e-mail address: saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com

109

Related posts

Leave a Comment