Masyado nating sineryoso ang sinabi ni Dr. Jose Rizal na “ang taong hindi marunong magmahal sa sariling wika ay higit pa sa hayop at malansang isda.”
Kaya naman kahit nagpabagu-bago ang Konstitusyon, pumirma ng mga proklamasyon ang iba’t ibang pangulo upang ipagpatuloy ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika sa iba’t ibang henerasyon na pinagdiriwang ngayong Agosto.
Ang tema para sa taong ito ay “Wikang Katutubo: Tungo sa isang bansang Filipino”. Kamakailan lang, nasubok ang ating pagiging isa sa wika at panitikan.
Nitong nakaraan, binigyang diin ng Supreme Court ang desisyon nito noong nakaraang taon na hindi na gagawing core subjects sa kolehiyo ang Wika at Panitikan.
Umalma ang iba’t ibang grupo sa Wika’t Panitikan, mga estudyante at propesor sa iba’t ibang kolehiyo at mababang paaralan.
Idinidiin ng mga tutol sa ruling na hindi lamang basta kurso or subject sa kolehiyo ang Wika at Panitikan, ito rin ay tungkol sa perspektibo at ideolohiya.
Ang sagot naman ng SC ay nailapat na ang Wika at Panitikan sa curriculum mula elementarya hanggang Senior High School na sapat na at dapat na mabigyan ng pagkakataon ang bawat estudyante na pumili ng mga subject na tingin nila ay kakailanganin nila sa kursong kanilang kinukuha.
Sa desisyon ng SC, siguro’y mas magandang ihingi natin ng atensyon sa gobyerno, mga mambabatas at mga korporasyon na maging adhikain ang paglinang sa ating Wika at Panitikan.
Mga halimbawa nito ay pagsasapelikula ng ating mayamang literatura, forums at symposiums kung saan makakasalamuha ng kabataan ang National Artists for Literature, mga kompetisyon at mga pagtatanghal ng spoken word, at balagtasan.
Maraming paraan upang malinang natin ang ating Wika at Panitikan.
Ngunit, wala tayong masisimulan kung magiging patuloy ang bangayan sa kung anong kailangan at anong hindi.
Kung mas paiigtingin ang Wika at Panitikan sa elementarya hanggang Senior High, buhusan natin ng suporta ang kabataan ngayon, nang kapag sila ay malaki na, hindi man obligado ang Wika at Panitikan sa kolehiyo, hindi mawawala ang pagmamahal nila sa wika, sa panitikan, at higit sa lahat, ang pagmamahal sa bansa.
Masyado na tayong maraming problema bilang isang bansa, upang pagtalu-talunan pa ang ating wika. Maging waIs sana tayo sa mga laban na ating pinipili.
Para sa komento at suhestyon maaaring mag- email sa ilagan_ramon@yahoo.com o magmensahe sa facebook: Mayor Mon Ilagan Acct Two (Maging waIs Ka! / MON ILAGAN)
237