CORRUPT POLITICIANS DAHILAN NG KAHIRAPAN

DPA ni BERNARD TAGUINOD

HABANG nag-i-scroll ako sa X, dating Twitter, nadaanan ko ang isang post ng organisasyon ng Nigerian politician, businessman at philanthropist na si Peter Obi, na napapanahon ngayon sa ating bansa at ibang mahihirap na mga nasyon na sangkatutak ang katiwalian.

Ang sabi ni Peter Obi: “No country can progress if its Politics is more profitable than its Industries. In a country where those in government are richer than entrepreneurs, they manufacture poverty”.

Malamang maraming Philippine politicians na ang nakabasa nito at umaasa ako na makapag-isip sila, baguhin ang kanilang nakagawian na ginagawang hanapbuhay ang pulitika imbes na magsilbi sa bayan.

Pero sa ngayon, mukhang palala nang palala talaga ang katiwalian sa gobyerno dahil kung gastusin ang pera ng bayan ay ganun-ganun na lamang at kapag hiningian sila ng paliwanag kung saan napunta ang buwis ng mamamayan ay tikom ang bibig sa imbestigasyon at kapag wala na sa tamang forum ay ang tatapang na magsalita.

Pero ika nga ni Ombudsman Samuel Martires, hindi mawawala ang katiwalian sa gobyerno, not in our lifetime, dahil wala na raw takot ang mga Pinoy sa impyerno. Nawala na raw ang respeto ng mga tao sa Diyos at sarili.

Kung mag-obserba kayo, walang pulitikong mahirap dahil kung wala silang pera, hindi nila kayang tustusan ang kanilang lifestyle. Sa security na lang, ang laking gastos na ‘yan sa mga pulitiko.

Walang pulitiko na isa o dalawa lang ang bodyguard, hindi mo alam kung ano ang kanilang kinatatakutan. Saan nila kukunin ang pambayad sa kanilang security? Sa dami ng bumubuntot sa kanila, kulang ang kanilang sweldo maliban kung ang kanilang opisina ang nagpapasahod sa mga iyan na galing sa buwis ng bayan.

Sa Kongreso nga lang, nasa loob na ng gusali ang mga congressman ay ang daming bodyguard na unipormado pa ang nakapaligid sa kanila at kapag palabas na sila, hanggang tatlong sasakyan na pawang mga mamahalin ang convoy nila.

Ibig sabihin, kumikita ang mga pulitiko kaya nga hindi nila mabitawan ang kanilang puwesto at ipapamana pa nila ‘yan sa kanilang mga anak kapag tumatanda na sila o bago pumanaw sa mundo.

Kung hindi malakihan ang kitaan sa gobyerno at pagsisilbi lang sa bayan ang kanilang hangad, walang magtatagal sa pulitika pero dahil mukhang dyan sila yumayaman ay walang gustong bumitaw sa posisyon.

Hindi lang mga pulitiko pala, pati yung mga chuwariwap o mga appointees sa gobyerno na kung sino ang malakas sa survey ay dinidikitan nila para mabigyan sila ng pwesto kapag nanalo ang dinikitang kandidato.

Bihira ang hindi yumaman sa mga chuwariwap lalo na kung mataas ang posisyon na ibinigay sa kanila kaya dapat maging sila ay isapuso ang sinabi ni Peter Obi, kung talagang may malasakit sila sa bayan at sa susunod na mga henerasyon.

 

347

Related posts

Leave a Comment