DALHIN SA HUSGADO

HINDI na ikinagulat ng publiko ang paglalabas ng talaan ng pinaniniwalaang mga sangkot sa agri-smuggling sa bansa. Dangan naman kasi, masyadong mahaba na ang kanilang pagsasamantala sa hangaring kumita nang bonggang-bongga.

Ayon sa ulat ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA), pasok ang 22 malalaking pangalan kabilang ang diumano’y mga tiwaling opisyal na nakikipagsabwatan sa mga sindikato sa likod ng pagpupuslit ng mga produktong agrikultura sa bansa.

Pero parang may mali.

Una, kulang yata ang talaan. Marahil nawaglit lamang sa NICA ang pangalan ng opisyal ng kagawarang lumalagda sa importation permits.

Pag-amin ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero (na kabilang sa talaang inilabas ni Senador Vicente Sotto), bukod sa mga insidente ng misdeclaration, importation permits mula sa Department of Agriculture (DA) sa pamumuno ni Sec. William Dar, ang kanilang basehan para pakawalan ang mga pumapasok na karga­mentong naglalaman ng agricultural products.

Pero bakit wala sa talaan si Dar?
Pangalawa, bakit sa publiko dinala ang talaan? Bakit hindi sa korte kung ang totoong pakay ay panagutin ang mga taong mapagsamantala? Hindi ba’t mas angkop kung sa husgado inihain ang talaan, kalakip ng mga dokumento at iba pang patunay na gagamitin sa pagsasakdal ng pinaniniwalaang mga sangkot sa
dambuhalang bulilyaso?

Ang totoo, hindi na naman bago ang epal sa tuwing may kontrobersya. Kanya-kanyang sawsaw sa isyu para lang mapansin ng sambayanan.

Ilan nga ba sa binanggit na mga pangalan ang totoong sabit sa agri-smuggling? ‘Yan mismo ang punto kung bakit mali ang pagpapasingaw ng talaan hangga’t hindi pa naisasampa ang karampatang asunto laban sa mga bulilyaso.

Tila wala rin maski isang BOC district collector na isinama sa talaan. Kung tutuusin, ang mga nakapwesto sa 17 BOC district collection offices ang direktang may kontrol sa mga daungan – idagdag mo pa ang Philippine Coast Guard (PCG) na bahagi ng Task Force Aduana.

Kung tutuusin, dapat sa karagatan pa lang ay nasasabat na ang mga bulilyasong kargamento pero dahil wala rin namang silbi ang presensya ng PCG sa mga distritong pinangangasiwaan ng BOC, marahil mas maganda na lang na ibalik sila kung saan sila nararapat – sa kangkungan.

Hindi solusyon kontra agri-smuggling ang puro dada at pamamahiya. Hindi matutuldukan ang malawakang pananabotahe sa ekonomiya ng bansa ng puro pa­andar.

Ano ang dapat? Tumbasan ng gawa para ­patunayan sa bayan ang sinseridad ng pamahalaan. Kasuhan ang dapat kasuhan. Sibakin ang dapat sibakin. Higit sa lahat, isang tunay na repormang walang kinikilala ang dapat itaguyod sa naturang mga ahensya.

97

Related posts

Leave a Comment