DATING ‘PASTILLAS GANG’ SA NAIA NGAYON AY ALYAS ‘B’YARAN’ NA!

PUNA ni JOEL O. AMONGO

SA kabila ng mainit na imbestigasyon ng Senado hinggil sa pagdami ng Chinese nationals, partikular ang mga nagtatrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa, ay patuloy namang namamayagpag ang grupong alyas “B’yaran” sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ang kanilang lider ay isang opisyal ng Bureau of Immigration (BI) na may inisyal na “VBA” na humahawak ng maselang posisyon sa nasabing tanggapan ng gobyerno na nasa ilalim ng Department of Justice (DOJ).

Sistematik ang galaw ng grupong alyas “B’yaran” na may kanya-kanyang papel ang mga miyembro hanggang sa sumuka ng P20K sa kanila ang bawat isang kliyente nilang Chinese national.

Kapag nakapagbayad na ng naturang halaga ang mga kliyenteng Chinese national sa grupong alyas “B’yaran” ay diretso na ito sa mga POGO na nakakalat sa Metro Manila at kalapit na mga probinsiya.

Kung ang modus dati ng “Pastillas Gang” na mistulang kendi na pinadadaan ang lagay ng kanilang mga kliyenteng Chinese nationals, ngayon ay marami ang dinadaanan hanggang sa makarating sa pinakahuling miyembro nito para sa pagbibigay na ng lagay na P20K.

Ipinagmamalaki umano ng lider ng alyas “B’yaran” na malakas siya sa pamunuan ng BI kaya wala itong pakialaman sa sinomang empleyado ng immigration na nakakaalam sa kanilang modus.

Magaling naman daw ito sa hulihan ng mga overstaying na dayuhan sa bansa tulad ng kanilang ginawang operasyon laban sa isang Indian national sa Clark International Airport (CIA) noong Abril 17, pero magaling din sila sa kanilang modus lalo na ang pagkakaperahan.

Hindi kaya alam ito ni BI Commissioner Norman Tansingco? Ayan kabayan, sir Norman, kundi mo alam, binibigyan na po kita ng idea kung anong pinaggagawa ng ilan ninyong tauhan.

May pahabol pala ako, sir Norman, ang grupong alyas “B’yaran” na ito rin pala ang nasa likod na pagdami ng Chinese nationals sa Cagayan Valley.

Minsan nang pinansin dati ni Surigao del Norte Rep. Ace Barbers ang biglang pagdami ng Chinese nationals sa lugar kung saan malapit na isinagawa ang Balikatang Exercises ng Pilipinas at Amerika.

Kamakailan, nagsagawa ng pagdinig ang Senado sa pamamagitan nina Senador Risa Hontiveros at Sen. Win Gatchalian sa isyu ng POGO partikular ang kinasasangkutan ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at iba pa.

Karamihan kasi sa POGO ay naging front ng prostitusyon, sugal, kriminalidad, sex exploitation, human trafficking, kidnapping at iba pang krimen.

Batay sa ating pagkakaalam, dahil sa mga pangyayaring ito ay naglabas na rekomendasyon ang Senado na tuluyan nang ipagbawal ang POGO sa Pilipinas.

Hindi rin dapat palagpasin ang ginagawa ng grupong alyas “B’yaran”, kailangan mabigyan sila ng mabigat na parusa.

Nagiging paulit-ulit na lang kasi nila itong ginagawa mula sa dating “Pastillas Gang” ngayon naman ay alyas “B’yaran” na.

oOo

Para sa sumbong at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0916-528-87-96.

70

Related posts

Leave a Comment