DEVELOPMENT PLAN PARA SA AVIATION AT MARITIME SECTORS

OPEN LINE Ni BOBBY RICOHERMOSO

KLARO ang gusto ni Presidente Ferdinand Marcos, Jr., na makalikha ng mas mara­ming trabaho para makaahon sa kahirapan at mabigyan niya ng mas disenteng uri ng pamumuhay ang marami nating mahihirap na mga kababayan.

Pero alam niya na marami pa ang kailangang ayusin para makamit niya ang pangarap niyang ito na tuluyang makaangat ang buhay ng mamamayan.

Kaya inatasan niya ang Department of Transportation (DOTr) na bumuo ng isang komprehensibong plano kung paano makalilikha ng mga trabaho mula sa mga programa at proyekto ng nasabing ahensya.

Sa isang presscon ay inilahad ni Press Undersecretary at Officer-In-Charge Atty. ­Cheloy Velicaria-Garafil na gusto ni PBBM na bumuo ng programa para sa maritime at aviation ­sector upang mapabilis ang economic recovery at mabigyan din ng oportunidad na magkaroon ng trabaho ang mga Pilipino.

“Iniutos ni Pangulong Marcos ang pagbuo ng isang maritime industry development plan upang mapaunlad at mapalawig ang mga industriya ng maritime at aviation sector,” sabi ni Garafil sa isang press briefing kamakailan.

Kasama rin aniya sa ipinag-utos din ni PBBM na ayusin ang mga pantalan sa iba’t ibang panig ng bansa upang mas marami pang mga cruise ship at pangkalakalang barko ang makadaong at makatulong din para mapaunlad ang industriya ng turismo.

“Inutusan din niya ang Marina na i-address ang problema ukol sa mga maritime school na hindi nagko-comply sa educational quality standards base sa international requirements at guidelines,” dagdag ni Garafil.

Sa mga hindi nakaaalam, kilala ang Pilipinas na isa sa mga bansa na may pinakamahuhusay na seaman sa buong mundo.

Subalit nitong mga huling taon ay nababawasan na ang kinang ng ating mga marino, dahil na rin sa kabiguan ng mga maritime school na panatilihin at gawing updated ang kanilang mga kurso base at naaayon sa international standards.

Kaugnay naman sa aviation sector ay mahigpit din ang tagubilin ni PBBM na i-upgrade ang mga paliparan sa iba’t ibang panig ng bansa lalo’t higit ang nasa mga malalaking lungsod kabilang na ang Metro Manila.

Alam kasi ni PBBM na tiyak na dadagsa ang mga pasahero at turista dahil na rin sa pagluluwag ng health restrictions at magandang samantalahin ang pagkakataon para higit pang makalikha ng mga trabaho.

Sa lahat ng mga kaganapang ito, maliwanag talaga ang direksyon na gustong tunguhin ni PBBM at iyon ay walang iba kundi ang mabigyan ng kaginhawaan ang buhay ng mamamayan sa buong bansa.

Dahil dito, bilang mga ordinaryong mamamayan ay dapat nating ibigay ang buong suporta sa kanya at sa mga namumuno sa ating pamahalaan.

10

Related posts

Leave a Comment