DOFW, TINULUGAN NA NGA BA NG SENADO?

AKO OFW

NAGHIHIMUTOK na ang mga OFW sa tila hindi pagbibigay ng importansya ng Senado na talakayin ang panukalang batas  upang maitayo ang Department of Overseas Filipino Workers (DOFW).

Bagaman nauunawaan ng mga OFW na maraming importanteng bagay ang dapat pagtuunan ng pansin ng Senado, ngunit mas naniniwala sila na ang kapakanan ng milyon-milyong OFWs ay mas higit na importante kaysa sa isyu ng prangkisa ng isang pribadong kumpanyang ABS-CBN Corporation.

Nagawa kasi ng Senado na magbalangkas ng panukalang batas upang pagkalooban ng provisional franchise ang ABS-CBN kahit sa pamamagitan lamang ng online session, ngunit hindi man lang nila maisipan na pag-usapan din ang panukalang batas para sa DOFW.

Ang House Bill 5832 na may titulong “Department of Filipinos Overseas (DFO) Act” ay naipasa na sa ikatlong pagbasa noong Marso 11, 2020 sa pamamagitan ng 173 boto na sumang-ayon at 11 na boto na tutol na kongresista. Ito ay matapos ng maraming buwan na aktibong dinaluhan ng iba’t-ibang samahan ng OFW sector at ng kilalang liders ng mga OFW ang mga session at consultation meeting sa kongreso.

Pangunahing layunin ng Department of Filipino Overseas Act ang mabigyan ng proteksyon ang karapatan at kapakanan ng overseas Filipino workers. Ito ay sa pamamagitan nang pagtatayo ng sarili nitong departamento na hiwalay sa Department of Labor and Employment (DOLE).

Gagampanan ng bagong DOFW ang mga tungkulin na dating nakaatang sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA), Office of Undersecretary for Migrant Workers Affairs (OUMWA) ng Department of Foreign Affairs (DFA) at ng Philippine Overseas Labor Office (POLO). Nakapaloob din dito ang opisina ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Sa isang Facebook post ng isang kilalang lider ng OFW na si Titus Amigo Peres, nagpahiwatig ito ng pangamba na baka hindi matapos ang pagsasabatas nito sa loob ng termino ni Pangulong Rodrigo Duterte. At kung ito diumano ay mangyayari ay baka tuluyang  walang asahan ang mga OFW.

Samatala, si Engineer Eli Mua na Chairman ng Board ng OFW Veterans Association mula sa Al Khobar, Saudi Arabia, ay nanawagan na pabilisin ang pag-pasa ng nasabing batas. Aniya, “Malaki ang maitutulong ng pagkakaroon ng DOFW kung nagkataon na naisabatas ito bago dumating ang coronavirus pandemic dahil tiyak na nakatutok lamang ang departamento sa iisang sektor”.

Dagdag pa niya ang panawagan na bigyan prayoridad ang pagtalakay sa DOFW at tatanawin itong malaking utang na loob ng mga OFW sa mga senador na magsusulong at magbibigay suporta.

Dahil dito, ang OFW leaders ay nagkakaisa sa panawagan sa Senado na simulan na nito ang pagtalakay sa House Bill 5832 na may titulong “Department of Filipinos Overseas (DFO) Act” upang agad nang maipasa at mapirmahan ni  Pangulong Duterte para ito ay maging ganap ng batas sa lalong madaling panahon. Nangangamba kasi ang mga OFW na tuluyan nang malusaw ang panukalang batas na kung sakaling hindi matapos sa loob ng termino ni Pangulong Duterte.

Handang makipagtulungan ang lahat ng sektor ng OFW kung sakaling magpatawag ng sesyon ang Senado kahit pa sa pamamagitan ng online Webinar (meeting) para masiguro lamang na ang panukalang batas ay tuluyan nang umusad sa Senado.

Umaasa ang mga OFW na sa susunod na pagbibigay ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Duterte ay masasabi na nitong  natupad na nito ang kanyang pangako noong una siyang humarap sa kongreso.

 

315

Related posts

Leave a Comment