ERWIN TULFO, HANDANG TANGGAPIN ULIT ANG ANOMANG POSISYONG IBIBIGAY NI PBBM

RAPIDO NI TULFO

NAKAPANAYAM natin sa programa ang dating kalihim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na si Sec. Erwin Tulfo kahapon para kumustahin matapos na magbitiw sa pwesto nito lang nakaraang Disyembre.

Ayon kay Sec. Erwin, balik public service siya sa pamamagitan ng ACT CIS Party-list kung saan isa siya sa mga naging nominado noong nakaraang halalan. Ikinuwento nito na parang ‘di rin naman siya umalis ng DSWD, dahil tuloy lang ang pagbibigay niya ng tulong sa kanyang opisina na matatagpuan sa 81 Mother Ignacia Quezon City, na sa dami umano ng nangangailangan ng tulong ay hindi pwedeng itigil kahit pa noong nasa DSWD pa siya.

Sinabi nito sa inyong lingkod na matapos na ma-bypass ng ikalawang beses ng makapangyarihang Commission On Appointments (CA) ay iniayos at inihanda na umano ng kanyang mga abogado ang kanyang mga papeles, upang hindi na makwestyong muli ng CA ang kanyang pagkakatalaga tulad ng nangyari noong nakaraang confirmation hearing. Ito ay bilang kasagutan sa ating katanungan ukol sa pahayag ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. na muling bibigyan ng pwesto sa kanyang gabinete ang mamamahayag.

Tikom naman ang bibig ng aking tiyuhin sa kung ano ang posisyong iniaalok sa kanya ng pangulo at sinabing abangan na lang ang magiging anunsyo ng Palasyo ukol dito. Ayon sa kanya, nanghihinayang ang pangulo sa naumpisahan n’ya sa DSWD at malaki rin ang naitulong niya sa kasalukuyang administrasyon.

Pinuri nito si PBBM dahil noong nakaupo pa siya sa DSWD ay naging madali kahit paano ang trabaho dahil madali raw makausap ito sa mga oras ng mga kalamidad tulad ng lindol na tumama sa Abra province. Nagpasalamat din ang kalihim dahil hindi umano siya inaalis sa isip nito para makasama sa kanyang hanay ng mga makakaagapay sa pagtulong sa mamamayan.

Mapagkumbaba naman nitong sinagot ang tanong na may kinalaman sa resulta ng mga survey kung saan, sinabi na nakakuha ito ng may pinakamataas na marka sa mga hanay ng gabinete ng pangulo. Sinabi nito na mas mahirap kapag mataas ang tingin sa iyo dahil mataas din ang expectations ng mga tao, mas maganda aniya ay kung nasa baba ka at unti-unti kang aakyat.

Bandang huli ay nangako ito na kung sakaling babalik siyang muli sa gobyerno, susuklian niya ito ng dobleng sipag upang makatulong sa gabinete ng Pangulo.

186

Related posts

Leave a Comment