GOVERNOR DANIEL FERNANDO, HINDI MAAWAT SA PAGBIBIGAY-SERBISYO SA MGA BULAKENYO!

HAGUPIT NI BATUIGAS

GAYA ng kanyang ipinangako na ilalapit ang Kapitolyo sa mga mahihirap na Bulakenyo ay pinanindigan at tinupad ni Bulacan Governor Daniel R. Fernando ang kanyang pangako na hindi na mahihirapan pang pumila, pumunta sa kanyang bahay at sa kanyang tanggapan ang mga tao dahil siya na mismo ang lalapit sa mga ito para magbigay ng tulong medikal at pinansiyal sa kanyang mahal na kababayan.

Sunud-sunod ang isinasagawang medical mission ng Damayang Filipino Foundation Inc. sa pakikipag-ugnayan ng pamahalaang panlalawigan ng Bulacan upang masiguro na nabibigyan ng tulong-medikal at pinansiyal ang mga lumalapit sa tanggapan ng gobernador.

Mismong ang go­bernador ang bumababa sa mga barangay sa buong lalawigan ng Bulacan para makausap nang personal ang mga taong humihingi ng kanyang tulong kaya nalalaman ng punong lalawigan ang hinaing at pangangailangan ng kanyang mga kababa­yan.

Batid ng gobernador ang kahirapan at pangangailangan ng kanyang mga kalalawigan kaya siya na mismo ang bumababa para hindi na mahirapan ang mga tao na pumunta sa kanyang bahay at sa Kapitolyo dahil namamasahe pa ang mga ito.

Halos lahat ng mga taong nagmamahal sa gobernador ay bolunta­­ryong nagtatrabaho para lamang samahan ang gobernador sa kanyang pagserbiyo sa mga tao at katuwang din niya sina Atty. Jayric Amil, Chief of Staff,  Ma’am Millagros D. Dimaano, Executive Assistant IV, Carlos Salazar, Chairman of Governors Daniel Fernando Supporters, Willy Santiago, Chairman Damayang Filipino Movement Inc. at ang kanyang kapatid na si Ma’am Athenie F. Bautista.

Sana lahat ng mga lingkod-bayan lalo na ang mga halal ng taumbayan na magtrabaho at ibigay ang nararapat sa mga tao. Marami kasi riyang mga politiko na sa una lamang maga­ling makisama, pero kapag nakuha na nila ang gusto sa mga botante, dedma na sa kanila ang mga taong nagluklok sa kanila sa kapangyarihan.

Marami nga riyan, kakilala mo na at kaibigan pero kapag naupo na sa puwesto, umiiwas na sa mga taong dati nilang nakasama, iyun bang parang may ketong na ayaw mahawahan ng kanyang mga dating kasama at kaibigan.

Sa mga Bulakenyo… Salamat sa inyong pagtitiwala sa inyong gobernador dahil talagang hindi kayo pababayaan at patuloy siyang magbibigay serbisyo sa kanyang mga minamahal na kababayang Bula­kenyo. Mabuhay ang lalawigan ng Bulacan! (Hagupit ni Batuigas /  MARIO B.  BATUIGAS)

197

Related posts

Leave a Comment