(NI KEVIN COLLANTES)
MAKARARANAS ng pansamantalang pagkawala ng suplay ng kuryente ang ilang lugar sa Metro Manila at kalapit na lalawigan, bunsod ng isasagawang maintenance works o pagkukumpuni sa mga pasilidad ng Manila Electric Company (Meralco).
Ayon sa Meralco, magsisimula ang power interruption ngayong Lunes, Nobyembre 4 at magtatagal hanggang sa Linggo, Nobyembre 10.
Kabilang umano sa mga lugar na mawawalan ng suplay ng kuryente ay ang Caloocan City dahil sa pag-upgrade at reconstruction ng mga pasilidad sa Gen. Rosendo Simon at Calle Uno Streets; Las Piñas City dahil sa pagpapalit ng mga poste, line reconductoring works, at paglilipat ng mga pasilidad sa Aria St., Bgy. Talon II, at pag-install ng mga pasilidad at pagpalit ng mga poste sa Alabang-Zapote Road sa Bgy. Talon II.
Kasama rin ang Parañaque City dahil sa pagpalit ng mga poste at line reconductoring works sa N. Lopez Ave. sa Barangay San Isidro at Pasay City dahil sa line reconductoring works sa F. B. Harrison Street.
Makakaranas rin ng power interruption ang Quezon City sa line reconductoring works at pag-install ng mga pasilidad sa Makadios St. sa Bgy. Botocan, Diliman at Valenzuela City dahil naman sa paglilipat ng mga pasilidad na apektado ng DPWH road widening project sa Tagalag Road sa Bgy. Tagalag.
Mawawalan rin pansamantala ng suplay ng kuryente ang San Jose del Monte City, Bulacan dahil sa line reconductoring works sa Francisco Homes Subd. Phase D, Bgy. Francisco Homes-Mulawin; San Ildefonso at San Miguel, Bulacan at Candaba, Pampanga dahil sa preventive maintenance at testing works sa loob ng Meralco-San Miguel substation.
May power interruption rin sa Balagtas, Guiguinto, at Plaridel, Bulacan dahil sa paglipat ng mga poste at line reconductoring works sa C. Mercado St., Bgy. Tuktukan, Guiguinto.
Apektado rin naman ang Dasmariñas City at Silang, Cavite bunsod naman ng maintenance works sa loob ng Meralco-Silang substation at Imus, Cavite dahil sa line reconductoring works, pag-install at paglilipat ng mga pasilidad sa Pasong Buaya I Road sa Bgy. Pasong Buaya I, Imus City.
Kaugnay nito, humingi naman ng paumanhin at umaapela ng pang-unawa ang Meralco sa kanilang consumers na apektado ng power interruptions.
Ipinaliwanag pa nito na ang ginagawa nilang pagkukumpuni ay may layunin lamang na higit pang paghusayin ang kanilang serbisyo.
200