CLICKBAIT ni JO BARLIZO
NABAWASAN ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho sa bansa, batay sa huling datos na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Nasa 3.5% ang unemployment rate ng bansa nitong Pebrero o katumbas ng 1.80 milyong walang trabahong Pilipino, mas mababa sa 4.5% unemployment rate noong Enero o 2.15 milyong jobless na Pinoy.
Sa madaling kuwenta, nabawasan ang mga taong walang trabaho ng 350,000.
Puwede nang ituring na tagumpay ito ng gobyerno?
Kung sisilipin ang 12.4% underemployment rate, masasabing hindi kuntento ang katumbas na bilang nito sa kanilang trabaho at kinikita.
Ayon kay Philippine Statistics Authority Undersecretary Dennis Mapa, 1.61 milyon ang nadagdag na trabaho sa wholesale at retail trade, at pagkumpuni ng mga sasakyan at motorsiklo noong Pebrero. Higit isang milyong trabaho ang nadagdag sa sektor ng agrikultura, 325,000 sa accommodation and food service, 231,000 sa construction, at 206,000 ang nadagdag sa transportation at storage.
Hindi masasandigan ang nasabing mga trabaho na karamihan ay naaayon lang sa uso o hinihingi ng panahon.
Seguridad sa trabaho ang kailangang maramdaman ng mga manggagawa upang hindi na sumadsad ang bilang ng mga tambay sa bansa.
Dumarami pa rin ang naghahanap ng trabaho at sumusunggab sa trabaho na mababa ang sweldo.
‘Di bale na raw basta may pagkakakitaan kaysa umasa sa ayuda mula sa pamahalaan.
Dahil sa mababang suweldo at hindi maayos na kondisyon ng pinagtatrabahuhan ay bumabaling ang karamihang trabahador na magbakasakali sa ibang bansa, na mas malaki ang pinasusweldo sa mga manggagawa.
Ang sukatan ng maayos na programa sa trabaho ay hindi ang exodus ng mga lokal na trabahador.
Hindi dapat manatiling hamon sa pamahalaan ang pagbibigay ng sapat na trabaho.
Hindi natin masisisi ang mga nag-aabroad dahil nais nilang mabigyan ng magandang buhay ang kanilang pamilya.
Pwedeng tiising malayo sa pamilya kaysa nga naman kasalo ang mga mahal sa buhay sa pagdildil ng asin.
Asan na kasi ang mga pamumuhunan na bitbit ng mga biyahe ng Pangulo?
Imbes kasing atupagin ang ibang mga problema sa bansa ay kung saan-saan nakatutok ang gobyerno.
Sabagay, mahirap mag-concentrate kung maraming magulo sa paligid. Parang estudyante lang ‘yan na nawawala ang focus kapag maiingay ang mga kaklase.
Eh natural lang naman kasi ang pag-iingay sa gobyerno lalo na kung marami ang hindi kuntento.
Kung kampante at naniniwala ang Marcos Jr. admin na gumagawa sila ng tama at tinutugunan ang mga pangangailangan ng taumbayan, wala namang dahilan para pag-ukulan ng pansin ang mga nanggugulo.
Walang instigador na magtatagumpay kung walang suporta ang nakararami.
108