MATINDI na ang init na nararamdaman ngayon, ngunit malaki ang probabilidad na mas iinit pa ang panahon sa mga susunod na buwan.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), ang El Niño phenomenon, na nagbabadyang magsimulang magkaroon ng epekto sa bansa sa susunod na buwan, ay may 41 porsyentong tsansa na umabot sa “strong” level mula Nobyembre hanggang Enero 2024.
Paliwanag ng PAGASA, may probabilidad na 87 hanggang 67 percent na maging mahina hanggang banayad ang El Niño sa sunod na anim na buwan, at hindi isinasantabi ng ahensiya na ang phenomenon ay mas malakas sa katapusan nitong taon.
Handa na ba ang pamahalaan at mamamayan sa pagharap sa banta ng tagtuyot?
Marami na ang nagbabala at nangangamba sa epekto ng El Niño sa presyo ng mga bilihin, danyos sa mga panamin, krisis sa tubig at iba pang pinsala nito sa kabuhayan at kalusugan ng mga tao.
Sinabi ng grupo ng mga magsasaka, posibleng tumaas muli ang presyo ng sibuyas dahil sa banta ng El Niño phenomenon. Nagbabala naman ang National Economic and Development Authority (NEDA) na malaki ang banta ng El Niño sa produksyon ng pagkain, partikular ang bigas.
Nanawagan ang Philippine Chamber of Agriculture and Food Inc. (PCAFI) sa pamahalaan na maglaan ng mas malaking pondo sa National Food Authority (NFA) para makabili ito ng maraming bigas na pang-buffer stock na magagamit sakaling magkulang.
Gayunman, may mga hakbang na ang Department of Agriculture (DA) para tugunan ang banta ng El Niño, at bumuo na rin ang NDRRMC ng grupo upang mabawasan o mapahina ang impact ng El Niño.
Dine-develop naman ng Bureau of Plant Industry ang climate-smart varieties o mga gulay o iyong mga pwedeng mabuhay kahit mainit ang panahon at kakaunti ang tubig upang tiyakin na matatagalan ng mga pananim ang climate change.
Paulit-ulit at pabago-bago ang klima, ngunit saka lang gagawa ng mga plano at hakbang ang pamahalaan kapag nagbabanta na ang masamang epekto ng bigwas ng kalikasan.
Kung gagawa ng mga imprastraktura na magagamit sa kahit anong klase ng panahon at magtatagal ang serbisyo ng mga ito, ay hindi na magkukumahog ang mga ahensya at publiko sa paghahanda sa pabago-bagong kondisyon ng panahon.
Ang El Niño, La Niña o anomang phenomenon tungkol sa klima at ibang kalamidad ay may epekto sa agrikultura, pamumuhay at kalusugan gaya rin ng sa mga bagyo.
Bakit kasi hindi pa nagdedeklara ng climate emergency sa bansa? Ito ay pagkilala na tunay ang krisis dala ng nagbabagong klima.
Dahil ba ayaw bigyan ng seryosong tugon at dedikasyon para sa agaran, naaayon at malawakang aksyon ang epekto ng climate change?
Hindi kaya ng pamahalaan na gumawa ng aksyon at maglaan ng malaking pondo para sa mga programang akma at magpapahina sa epekto ng klima?
Ang problema kasi, sa halip na tugunan ang panawagan ng ilang grupo para sa deklarasyon ng climate emergency ay red-tagging pa ang napapala nila.
Alam natin ang problema ngunit binabara ng iba ang gumagawa ng paraan para malutas ang suliranin.
Walang makikitang pagbabago kung magiging tahimik ang mga tao.
Sabagay, ayaw lang atang aminin ng kontra sa mga nagrereklamo na sila ay apektado na rin, at ayaw nilang masaling ang damdamin ng kanilang idolo.
Mas kawawa mga Pilipino kung walang nagrereklamo at hayaan ang nasa pwesto na maging laging bida.
