GEN Z TALKS ni LEA BAJASAN
NAGKAROON ng isang diskurso na umiikot sa X tungkol sa “healing the inner child”. Nagsimula ito nang i-quote ng isang X user ang video na naglalaman ng pagbili ng isang lalaki ng action figures at wand ng Harry Potter na hindi niya afford noong bata pa siya.
“Bakit kaya kapag sinabing ‘healing my inner child,’ kailangang konektado sa konsumerismo?” komento ng account.
Totoo na maraming tao ang nag-uugnay ng kaligayahan sa pagbili ng mga bagay dahil madalas na iniuugnay ng lipunan ang mga materyal na ari-arian sa tagumpay at katuparan. Ito ay maaaring magpapaniwala sa ilan na ang pag-iipon ng mga kalakal ay ang susi sa kagalakan, habang tinatanaw ang halaga ng mga karanasan at mga relasyon. Gayunpaman, ang pagtrato sa ating sarili paminsan-minsan at “healing our inner child” ay hindi dapat magsama ng pagkakasala, at hangga’t hindi ito nakasasakit ng sinoman.
Lahat tayo ay may karapatang harapin ang mga hamon ng buhay sa ating sariling paraan. Bagama’t ang mas malawak na isyu ng konsumerismo, labis na pagkonsumo, at kapitalismo ay masalimuot at nangangailangan ng mas malalim na paggalugad, mahalagang kilalanin na sa mapanghamong panahon, ang mga tao ay kadalasang nakahahanap ng kaginhawaan sa maliliit na pagdiriwang. Ang bawat tao’y karapat-dapat sa karapatang tamasahin ang kanilang mga personal na tagumpay at ipahayag ang kaligayahan sa kanilang sariling paraan, nang walang paghatol o pakikialam ng iba tungkol sa kung paano nila pipiliin na gastusin ang kanilang pera.
Kung paano tayo lumaki at ano ang karanasan ay hindi pare-pareho kaya siyempre bawat isa ay may iba’t ibang paraan ng pagpapagaling mula rito. Kaya nagkakaroon ng “healing the inner child” ang isang tao ay dahil sa isang karanasan na humahawak sa atin mula sa nakaraan na gusto nating pagalingin mula sa ating sarili. Ito iyong dala-dala natin simula pagkabata natin hanggang pagtanda. Halimbawa, noong bata ako, iilang beses lang sa isang taon kung makatikim ako ng pagkain sa Jollibee. Mahal pa kasi ito para sa akin. Hindi rin naman ganoon kalaki ang sahod ng mga magulang ko.
Nagpupunta lang kami sa Jollibee kapag may selebrasyon katulad ng graduation o top ako sa klase. Ngayong matanda na ako, kumikita na ng pera. Ino-order ko na iyong mga hindi ko pa natitikman at mga gusto ko noong bata ako. Hinahayaan ko na rin ang sarili ko na kumain doon kahit wala namang selebrasyon. Kung noon ay nanay o tatay ko ang nagbabayad sa kinakain namin, ngayon ako na ang nagti-treat sa kanila. Sa totoo lang, pangarap ko pa ring magkaroon ng birthday party sa Jollibee kahit matanda na ako.
Noong bata kasi ako naiinggit ako sa mga nagse-celebrate ng birthday sa Jollibee. Sa hinaharap siguro.
Ang hindi ko lang maintindihan sa diskurso ay bakit may mga taong nakikialam kung paano ginagastos ng iba ang kanilang pinaghirapang pera? Kung gusto niyang bumili ng laruan, damit, pagkain, o action figures, e ‘di go. Hayaan natin sila kung paano nila gustong mamuhay at gamitin ang pera nila. Sino tayo para magdesisyon sa buhay niya ‘di ba?
Wala tayong karapatang mangialam sa mga bagay na nagpapasaya sa iba. Gayunpaman, nawa’y mapagaling ng lahat ang inyong inner child sa anomang paraan na hindi makapinsala sa sinoman.
Hindi natin maibabalik ang panahon noong tayo ay mga bata pa ngunit tiyak na maaari pa rin nating subukang bumawi sa mga pagkakataon at mga bagay na hindi natin nakuha o natanggap noong tayo ay mga bata pa.
Sa huli, ang bawat isa ay may sariling paraan ng pagpapagaling at paghahanap ng kaligayahan, na hinubog ng kanilang mga natatanging karanasan at personal na paglalakbay. Mahalagang bigyan ng kalayaan ang iba na gastusin ang kanilang pera at ipagdiwang ang kanilang mga tagumpay ayon sa kanilang nakikitang angkop, nang walang paghuhusga. Bagama’t hindi natin mababago ang ating nakaraan, masusumpungan pa rin natin ang kagalakan sa pagbawi para sa ating napalampas at pag-heal ng inner child sa mga paraan na nagdudulot sa atin ng kapayapaan at kasiyahan.
61