HINDI IPINIPILIT RESPETO, KUSA ITONG IBINIBIGAY

EDITORIAL

LINGGO ng hapon, halos sumabog sa ngitngit ng netizens ang social media at nagkakaisang kinuyog ang isang transgender na personalidad na nakabase sa Cebu, dahil sa ginawa nito sa isang waiter ng restaurant na pinuntahan nito.

Tawag-pansin ang personalidad nakuhanan ng litrato habang nakaupo at nakaharap naman sa kanya na tila hiyang-hiya ang waiter.

Ang dahilan: Tinawag ni kuya waiter ang gay na personalidad na “Sir”.

At hindi pa roon iyon natapos. Nag-sorry na ang waiter ay hindi pa tinantanan ng ‘feelingerang’ entitled transgender. Ayon sa netizens, dalawang oras na nakatayo ang pobreng waiter. Nabilad sa kahihiyan ang waiter habang todo-angas naman ang transgender na nagle-lecture sa kanya.

Binomba ng galit ang Facebook page ng transgender. Walang puknat. At kung nakamamatay lang ang salita, malamang pinaglalamayan na ang maangas na transgender.

Sa halip magpakumbaba at tanggapin na isa siyang Sir, sunud-sunod na depensa ang ginawa nito sa kanyang platform. Ibinandera ang naabot na edukasyon, ang hinihigaan niyang karangyaan sa buhay na tila sinasabing walang maaaring bumangga sa kanya dahil sa estado ng kanyang buhay.

Nakapanliliit ang mga salitang ibinubuga ng bunganga niya. Na roon ay sasampalin ng katotohanan na mahina, mangmang, dukha ang kanyang kaharap. At ang nakagulat, sa halip na tanggapin na lang ang katotohanang isa siyang Sir, paulit-ulit nitong iginigiit na humingi ng sorry sa kanya ang nakasakit sa kanyang ‘ego’.

Matapos ang dalawang araw na walang habas na pagkampi ng netizens sa kawawang waiter — sa kanyang FB post — naglabas ito ng mahabang liham na humihingi ng despensa sa mga nasaktan niya at nadamay sa sitwasyon na para sa kanya ay hindi inakalang aabot sa birtuwal na pambubugbog ng netizens.

Hindi ipinupuwersa ang respeto. Kusa itong ibinibigay sa taong karapat-dapat respetuhin. Malayo man ang narating na edukasyon at lawak ng eksperyensya, hindi ito tiket para manlait at mambastos ng kapwa.

Oo nga’t nakapagpatawaran na ang dalawang kampo, na ayon sa netizens ay may bahid ng kawalan ng sinseridad sa panig ng transgender, ay hindi na ito mahalaga. Pare-pareho nang nakapag-move-on ang dalawang panig ngunit tiyak na malalim ang sugat nito sa panig ng waiter.

Tiyak na may mga magpapatuloy pa ring basher ng transgender, pero hindi pa rin ito mapipigilan.

Maisasara na ang kabanatang ito na ilang araw ring pinagpiyestahan ng netizens.

Move on na. Gets mo, Sir?

65

Related posts

Leave a Comment