IBINAWAL NA NOON BAKIT MAY PORK PA RIN?

FOR THE FLAG

Marami nang banner headline sa iba’t ibang mga pahayagan ang nai-dedicate ukol sa banga-yan nina Rep. Rolando Andaya, House Committee on Appropriations chair, at Budget Sec. Benjamin Diokno. Sa ordinaryong mamamayan, ang dati-ngan ng pinagtatalunan ay ukol sa mga itinatagong salapi ng taumbayan na gustong pakinabangang personal.

Ganyan ang lumalabas. Sinasabi ni Rep. Andaya na nabuking niya na may mga savings pala mula sa 2017 at 2018 na pondo na naka-park lamang. Sinasabi naman ni Sec. Diokno na in-offer niya ang impormasyong iyon sa Mababang Kapulungan at wala s’yang itinatago.

May mga butas ang sinasabi ni Rep. Andaya bagama’t maaaring mabuti naman ang kanyang intensyon. Halimbawa ay ang sinasabi n’yang bi-nibigyan ni Sec. Diokno ng suhol ang mga kongresista ng P40 bilyon kapalit ng kanilang pananahimik sa umano’y P75 bilyon na insertion sa budget ni Sec. Diokno.

Ngunit mula na rin sa bibig ni Rep. Andaya, ay nanahimik siya at sinabing nag-ingay na lamang nang hindi naitama umano ni Sec. Diokno ang paghahati-hati ng pondo para sa mga kongresista.

Kung anuman ang tunay na puno’t dulo ng bangayan na iyan, malinaw na tungkol sa, ayon na nga kay Sen. Ping Lacson, “If it looks like pork, cut like pork, disbursed like pork, then it must be pork.”

Malinaw, tungkol sa pork barrel, na ipinagbabawal na ng Korte Suprema sa desisyon nito taong 2013 dahil pinag-uugatan ng korapsyon ng mga nakaupo sa posisyon at kahirapan naman para sa mamamayang Filipino. Pero bakit may pork pa rin?

Kasi kung walang pork e wala nang tatakbo sa eleksyon. Malamang!

Habang may “greed” o kagahamanan sa ating mga mambabatas, hindi mawawala ‘yang pork na ‘yan, magbabago lang ng pangalan pero naririyan pa rin ‘yan. Malamang!

Ang sinasabi ni Sen. Lacson, maging ni Sen. Franklin Drilon, na hindi sila nabibigyan ng kopya ng Senate-House conference committee report at tanging sina Sen. Loren Legarda, Senate Committee on Finance chair, at Rep. Andaya lamang ang pawang nakakita at nakabasa. Bakit? Ano’ng mayroon?

Naisumite na kay Pa­ngulong Rodrigo Roa Duterte ang niratipikahang 2019 budget at nanawagan si Sen. Lacson na nawa’y gamitin ng pangulo ang kanyang “line item veto power” upang matanggal ang mga taba ng pork na ipinalaman ng mga kongresista at mga senador sa General Appropriations Bill.

Sabi ni Sen. Lacson, “It must be pork!” Ang sabi naman ng For The Flag, “It must be the year of the pig!” (For the Flag / ED CORDEVILLA)

5

Related posts

Leave a Comment