ILLEGAL GAMBLING, UMARANGKADA

BAGO TO

Hindi aarangkada ang ile­gal na sugal kung walang proteksyon mula sa mga taong tiwali sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan. Pati ilang tiwaling hukom ay gusto ring makakurot mula sa ilegal na sugal. Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte na ang naiirita sa mga tiwaling ito na patuloy na nangungurakot gamit ang kanilang kapangyarihan sa go­byerno.

Kung walang kokontra sa mga tiwaling ito ay patuloy ang kanilang “halakhak tungo sa bangko” para ideposito ang katas ng payola mula sa illegal numbers game gaya ng jueteng dito sa Luzon, swertres at masiao sa Visayas at Min­danao, pares, loteng, color games, at kung anu-ano pang klase ng naglipanang ilegal na sugal sa ating bansa.

Talagang umarangkada ang illegal numbers game nitong mga nakaraang buwan habang papalapit ang 2019 mid-term election. Ang illegal gambling, kung hindi man sa droga at kidnapping, ang isa sa mga pinagmumulan ng pondo ng mga tiwaling politiko na gustong maluklok muli sa puwesto.

Hindi ko rin lubos maisip kung bakit ang laban kontra sa illegal numbers game ay napunta sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), isang ahensiya ng kawanggawa. Ang mas nakapagtataka ay wala rin namang law enforcement power ang PCSO para epektibo sanang magampanan niya ang kanyang tungkulin laban sa illegal numbers game. Ni task force laban dito ay wala siya. Ang matindi, wala ka nga nito ay mahina pa ang legal department mo para habulin sa batas ang mga gambling lord at protektor ng mga ito.

Iba kasi ang kamandag ng may law enforcement power laban sa illegal gambling kaysa tapang sa pananalita at prinsipyo lamang ang inihaharap laban sa mga tiwali. Maganda sigurong balikan ng Pangulo ang kanyang Executive Order No. 13 at linawin ang papel ng PCSO laban sa illegal gambling.

Sa totoo lang, tanging ang PCSO sa pamamagitan ng pamunuan ni General Manager Alexander “Mandirigma” Balutan ang nag-iisang lumalaban sa ngayon kontra illegal numbers game. Mukhang ang ilan sa mga pangunahing law enforcement agencies na nabanggit sa EO13 ay kung hindi man nagbubulag-bulagan ay malamang kasab­wat.

Halimbawa, mayroon din namang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng PCSO at Philippine National Police (PNP), ang huli bilang pangunahing law enforcement agency na katuwang ng una laban sa paglipol ng illegal numbers game, pero mas ang National Bureau of Investigation (NBI) pa ang lumalabas na mas nakakatuwang ng PCSO laban sa pagsawata sa operasyon ng mga ilega­lista. Hindi na kailangang i-memorize pa ito, alam na!

Sa matagal-tagal na ring panahon na nakakasama ko si Mandirigma sa trabaho, tuwirang masasabi ko na totoong tao, totoong lider, at walang bahid ng katiwalian ang heneral na ito. Bakit kaya hindi na lamang buhusan ng Pangulo ng tamang suporta ang gaya ni Mandirigma para matigil nang lubusan ang illegal numbers game sa ating bansa?

Pero alalahanin natin, hindi matatapos ang laban sa illegal gambling, gaya ng laban sa korapsyon sa gobyerno, sa isang tulugan lamang. (BAGO TO! /FLORANTE S. SOLMERIN)

 

147

Related posts

Leave a Comment