IMPORTASYON PA RIN ANG TUGON

SIBUYAS, hirap ka nang mahalin.

Tumataas ang presyo sa pamilihan, napipintong mawalan ng sapat na suplay sa merkado. Paulit-ulit, bumabalik ang problema kaya sa halip na kalugdan ang putahe ay nagiging dahilan ito upang mawalan ng gana ang mga Pilipino sa tunay na lasa.

Ayon sa Bureau of Plant Industry (BPI), aabutin na lamang ng hanggang Nobyembre ang suplay ng pulang sibuyas habang ang puting sibuyas ay sapat lamang hanggang Setyembre.

Ganito rin ang inihayag ng Department of Agriculture, sa gitna ng pagdoble ng presyo ng sibuyas sa mga pamilihan sa Metro Manila.

Magkatugma ang BPI at DA sa pagtaya sa suplay ng pulang sibuyas kaya malamang na nagkasundo ang dalawang ahensya sa motibo na hindi na lihim – ang pag-angkat. Sa importasyon umaasa ang ibang ahensiya bilang solusyon sa problema. Pangkondisyon ng saloobin ng publiko para iwas-angal at yumuko na naman sa gustong ipayakap at tanggapin na tugon sa suliranin?

Sinabi ni BPI spokesperson Jose Diego Roxas na ang ginawang pagtaya sa ‘kasasadlakan’ ng sibuyas ay maaari namang magbago, at kakailanganin ang pag-angkat ng produkto upang matiyak ang sapat na suplay at maiwasan ang pagtaas ng presyo ng sibuyas.

Importasyon nga ang ikinakasa, na malinaw na intensyon ng DA sa panahon na kulang o walang ani ng nasabing produkto.

Ano ang silbi ng programa ng pag-iimbak, ng pagtayo ng mga cold storage facility kung ang laging puntirya ay importasyon? Nangangahulugan ba na hindi pinatitindi ang pagsasagawa ng mga proyekto dahil may “simple” at agarang solusyon?

Galaw ba ng pumapaldo ang baul ng yaman na nakikinabang sa gawa-gawang krisis na may nakahanda nang solusyon gayung sa una pa lamang ay wala namang reremedyuhan dahil ang ginagawang problema ay walang katotohanan. Ang totoo ay nais lang pagkakitaan?

Gumagawa ng krisis na pang-ipit. Dapat bumitiw na ang nagrerenda sa DA. Kung gusto talaga niya na maresolba ang problema sa seguridad ng pagkain. Kung nais niyang siya ang gagawa ng solusyon, dapat hindi ngawa ang intensyon. Kung kailangan guminhawa ang nasyon, ang akmang galaw ay AKSYON.

81

Related posts

Leave a Comment