KOTONG SA LIMOS

ANG kahirapan na pinipilit maibsan kahit pansamantala lalo pa’t nalalapit na ang Kapaskuhan ay sinamantala ng ibang gahaman para pagkakitaan.

Ito ang masaklap na kalagayan ng mga katutubong Badjao na bumabalik sa Maynila tuwing magpa-Pasko upang mamalimos sa mga lansangan na karaniwang gamit ang kanilang mga sanggol para lalong kahabagan.

Nalalagay sa panganib ang buhay ng mga Badjao, lalo na ang mga bata dahil posibleng mabundol sila sa pagsalubong, pagsampa at pagtalon sa mga sasakyan para mamalimos.

Dahil dito, sanib-puwersa ang Manila Department of Social Welfare (MDSW) at mga tauhan ng Manila Police District – Raxabago Police Station sa pagsagip sa 300 na Badjao. Natuklasan din na kinukupkop ng ilang residente ang mga Badjao, kapalit ng bayad na P50 bawat isa kada araw.

Ito ay pagsasamantala na isang anyo ng pangongotong ng mga ­nagpapaupa sa mga Badjao. Ginawang negosyo’t pagkakakitaan ang ­pagkupkop sa mga Badjao ng umano’y mga dayo rin lang sa lugar na ­nakaririmarim ang kondisyon dahil kahit saan ay itinatapon ang kanilang mga dumi.

Ang pagsagip sa mga Badjao ay kapuri-puri, ngunit kung ibabalik sila sa kanilang pinanggalingan ay hindi katiyakan na hindi na sila magtatangkang bumalik.

Ano ang mga hakbang o plano para sa kanila base sa Oplan Balik-Probinsiya Program? Ang mga katutubong Badjao ay sanay sa dagat. Tinagurian silang Sea Gypsies. Kung susuportahan at pagbubutihin ang kanilang katayuan sa kanilang pinagkukunan ng ikabubuhay ay hindi nila nanaisin na makipagsapalaran sa panganib ng lansangan. Higit silang ligtas sa dalampasigan, sa vinta at sa alon.

Hindi na sila manghihingi ng limos, na labag sa batas base sa Anti-Mendicancy Law na naisabatas noong termino ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos. Sa ilalim ng Anti-Mendicancy Law, ang mamalimos at maglimos ay labag sa batas at may karampatang parusa. Minsan, naiwawaglit ang isinasaad ng batas kapag awa ang umiral sa tao tuwing nakakikita ng kahabag-habag na indibidwal.

44

Related posts

Leave a Comment