DPA ni BERNARD TAGUINOD
PANSIN n’yo ba kung kailan magpapasko ay saka nagkakaroon ng sakuna sa ating bansa?
Binalikan ko ang mga sakunang dumaan sa Pilipinas sa nakaraang mga taon tulad ng bagyo at lindol na pawang nangyari sa “ber months” kung kailan pinaghahandaan ng mga tao ang pagdating ng Pasko.
Ginawa ko ito dahil noong Biyernes, November 17, ay niyanig ng lindol ang Sarangani, General Santos City at karatig na mga lalawigan na nag-iwan ng 9 patay at 776 ang naospital at malamang sa malalang, tulad ng mga biktima ng nakaraang mga sakuna, malungkot ang kanilang Paskong darating.
Kahit kailan ay hindi na makalilimutan ang intensity 7.2 na lindol sa Bohol noong October 15, 2013 na ikinamatay ng 222 katao at pagkasira ng mga imprastraktura, mga pribadong bahay, mga luma at makasaysayang mga simbahan at iba pa.Taon ang binilang bago sila nakabangon.
Mukhang sinubok talaga ang tatag ng mga tao noong 2013, dahil pagkalipas lang ng halos isang buwan, partikular na noong November 8, 2013 ay nanalasa naman ang bagyong Yolanda, ang sinasabing pinakamalakas na bagyo sa kasaysayan ng mundo, sa Visayas region ay direktang tinamaan ang Leyte, Samar, Bohol, Cebu, Capiz, Iloilo at Bacolod.
Sinasabing 6,300 ang namatay pero marami ang naniniwala na mas marami pa rito ang nasawi kay Yolanda bukod sa nag-iwan ito ng pinsalang hindi bababa sa P24.539 billion at hanggang ngayon ay marami pa ang hindi nakababangon.
Setyembre 2009 naman nang manalasa ang bagyong Ondoy na nagpalubog sa Metro Manila lalo na sa Marikina City at nag-iwan ng 665 patay at pinsalang umabot sa 1.15 billion dolyar at sinasabing “second-most devastating tropical cyclone” kasunod ng bagyong Yoling noong 1970.
Ikalawang linggo ng Disyembre noong 2011, nanalasa sa Cagayan de Oro City ang bagyong Sendong na sinundan ng malalakas pang bagyo sa iba’t ibang lugar sa bansa lalo na sa Mindanao na karamihan ay nangyari sa Ber month.
Noong 2018, puro “ber month” din nanalasa ang bagyong Ompong, September 11; Rosita, October 24, at tropical depression na nag-iwan ng matinding pinsala sa mga agrikultura dahil sa matinding pagbaha, mula Bicol hanggang Cagayan Valley.
Pero ang tropical storm na Quiel (November 6, 2019) na sinundan ng bagyong Ramon noong November 19, 2019 ang nagpalubog sa buong Tuguegarao City sa Cagayan dahil napilitang magpakawala ng tubig ang Magat Dam dahil sa walang tigil na pag-ulan.
Ilan lang iyan sa mga sakuna na nagpahirap sa mga biktima na talagang malungkot ang naging Pasko at pagsalubong sa Bagong Taon kahit pa may mga tao o grupong nagtulong-tulong para hatiran sila ng ayuda.
Malamang ang tanong ko na kung kailan magpapasko saka nagkakaroon ng sakuna? Walang kasagutan kaya ang tanging paraan na magagawa natin ay manalangin sa Kanya sa Itaas na iwaksi tayo sa anomang uri ng kalamidad.
Pero ang napapansin ko, saka lang mainit ang usapin sa Climate Change kapag nagkakaroon ng malalakas na bagyo pero kapag nakabangon na ang lahat ay nagkakalimutan na ulit. Mas pinag-uusapan pa nga ang pulitika kaysa pangangalaga sa kalikasan eh.
343