LUHO AT KARANGYAAN DINISPLEY SA MALAKANYANG

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

HABANG inaaliw, binubuwisit at hinihila tayo ng mga mambabatas at ng gobyerno mismo sa nakapipikon nilang mga palabas at palabra sa insidente ng pambobomba ng tubig ng China Coast Guard sa Philippine Coast Guard ay lumitaw ang nakapanghihina ng loob na isinusulong na pagtaas ng presyo ng 43 produkto sa bansa.

Ayon sa Department of Trade and Industry (DTI), nasa 13 manufacturers ang nagsumite ng kanilang application para sa taas-presyo ng 43 produkto, na kinabibilangan ng de-latang sardinas, condensada, evaporada at pulbos na gatas; kape, instant noodles, bottled water, de-latang karne at toilet soap.

Mula P0.10 hanggang P7 ang hinihiling na taas-presyo para sa mga pagkain at P1.50 hanggang P9.75 sa non-food items, ayon sa DTI.

Hindi ba mapipigilan ng ahensiya ang taas-presyo? Ano ang silbi ng price control at regulation?

Tila bibigay ang DTI sa hinihiling ng mga manufacturer.

Ayon kay Trade Undersecretary Ruth Castelo, kinokonsidera nila na dahilan ng manufacturers sa pagtaas ng presyo ang gastos ng raw materials, na ang iba ay inaangkat, tulad ng isda na ginagamit sa sardinas at trigo na gamit sa paggawa ng instant noodles.

Ano pa ang silbi ng pagberipika ng ahensiya sa impormasyon ng manufacturers sa mga dahilan ng hinihiling na taas-presyo?

Asahan ang pagtaas ng presyo.

Ilang produkto kaya ang bibigyan ng go signal ng DTI para magtaas ng kanilang presyo?

Taas-presyo na papasanin ng mga Pinoy. Taas-utang naman ang pamahalaan. Puro taas na lang ang nararamdaman.

Mayroon ngang pagtaas ng sahod pero tinga lang at sa Kamaynilaan lang.

Teka, sabi nga ni PFM Jr., bumaba ang presyo ng ibang mga paninda. ‘Yun nga lang, sa Kadiwa lang dahil may subsidiya naman dito ang gobyerno.

Sa mga tiangge? Hindi bawas o awas kundi taas.

Ang kakatwa rito, habang hilahod na sa hirap ang mga Pilipino nakukuha pang magsaya ng mga taga-Palasyo.

Habang problemado pa rin ang mga binaha sa Central Luzon e nag-fashion show sila sa Malakanyang.

Dinispley nila ang luho at karangyaan sa gitna ng gutom at hirap ng maraming Pilipino.

Balik tayo sa taas-presyo, inamin ng DTI na hindi nito makokontrol ang presyo ng mga kagamitan sa eskuwela dahil seasonal products ang mga paninda.

Ganun ba yun? Pana-panahon na produkto pero halos araw-araw ay ginagamit.

Seasonal na presyo pero magtatakda na ng halaga sa buong taon. Buti kung bumaba kapag hindi na napapanahon.

Makokontrol at maparurusahan lang nila ang lumabag sa suggested retail price (SRP) para sa pangunahing pangangailangan at kalakal.

CONSUELO DE BOBO

May pampalubag-loob na naman ang pamahalaan, ngunit para sa pili at muli… sa pinakamahirap na Pinoy.

Sasagutin ng gobyerno ang bill sa kuryente ng mga walang-wala, pinakamahihirap at hikahos na mga Pinoy.

Ang Lifeline Rate program ay para sa mga walang kakayahang bayaran ang kanilang konsumo ng kuryente.

Sisimulan na sa September 15, ngayong taon ang pagbibigay ng subsidiya sa kuryente para sa benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at pinakamahihirap batay sa itinakdang pamantayan ng Philippine Statistics Authority (PSA).

As usual, kapag sinabing mahihirap, unang lulutang ang 4Ps. At may tinatawag pang poverty threshold na hindi naman aktuwal na natutukoy.

Ano ang basehan ng DSWD kapag nagbibigay ng sertipikasyon na ang aplikanteng nasa pinakamahihirap na bracket ay mas mababa ang kinikita sa mas mababa sa poverty threshold?

Kaya ang daming nakasimangot at nadidismaya sa sistema ng pagpili ng tunay na purdoy.

Kapag subsidiya, hindi kaya mayroon ding daya at paboritismo?

Buong subsidiya ang matatanggap ng kwalipikadong aplikante sa lahat ng generation charges na mayroong konsumo ng kuryente ng mula 0-20 kilowatt kada oras, at discount sa bayarin kapag ang nagamit ay 21 kilowatt per hour hanggang 100 kph, base sa itinakdang pamantayan.

Wala na ata sa isip ng pamahalaan ang balak at promise nitong tatapusin na ang kultura ng palaging palaasa ng mga Pinoy.

Ang gobyerno na ang kusang nagbubukas ng palad ng mahihirap para isahod sa grasya.

Nagmumukha tuloy na raket ng ilan ang pamumudmod ng ayuda at pagbibigay ng subsidiya.

140

Related posts

Leave a Comment